Kung ang mga anti-Gloria ay abala sa paglahok sa kaliwa’t kanang demonstrasyon para patalsikin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang pagtuligsa sa malawakang katiwalian sa administrasyong Arroyo ay ibang paraan naman ng pagprotesta ang ginawa ng mga overseas Filipino workers (OFWs) partikular ang mga nakabase sa Hong Kong.
Upang ipadamang tutol rin sa namamayagpag na katiwalian sa gobyerno ang mga OFWs ay sinimulan ng mga OFWs ang pagtigil ng pagpapadala ng remittance sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Naniniwala ang mga OFWs sa pamamagitan ng Migrante International na iindahin ng
gobyerno ang hakbanging ito ng mga OFWs.
Sa pagtataya nasa US$30 milyon kada araw ang remittances ng walong milyong OFWs sa iba’t ibang panig ng bansa o katumbas ng US$14.3 bilyon kada buwan ang dumarating na remittances sa bansa na siyang ipinagmamalaking dahilan kaya’t patuloy sa pagtatag ang ating ekonomiya.
Ngayong ititigil ng mga OFWs ang pagpapadala ng remittances, magpapatuloy kaya ang pagsulong ng ipinagmamalaking ekonomiya ng Pangulo at ano pa kaya ang iba’t ibang klaseng pagbatikos o pagpapasakit sa gobyerno ang gagawin ng ating mga kababayan upang ipakita ang lantarang disgusto sa gobyerno?
Nakakatakot ang ganitong klaseng pagkilos kaya’t habang maaga dapat ay seryosohin ng gobyerno ang nasabing banta at gumawa ng paraan upang malagpasan ang negatibong epekto na hatid nito sa bansa.
|