Bagama’t nababalutan ng multi-bilyong pisong katanungan ang eskandalo sa Southrail project, mismong chairman ng Senate blue ribbon committee ang tumangging pakialaman ang isa pang expose ni dating Philippine Forest Corporation (Philforest) president Rodolfo Lozada Jr.
Kahit inihain ni Lozada sa Senado ang mga detalye at impormasyong may kinalaman sa umano’y overpricing ng Southrail project, tinanggihan ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng blue ribbon committee, ang pagpapatawag ng imbestigasyon.
Nauna rito, ibinunyag ni Lozada ang malaking anomalya sa Southrail project kung saan isang Intsik na nagngangalang Anthony Huang ang nag-ala-resigned Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos, katumbas ang $70 milyong overpricing sa proyekto.
Sa isang radio interview, ikinatwiran ni Cayetano ang kawalan ng testigo, maliban kay Lozada na naunang nagbunyag sa Southrail scandal nang humarap sa ZTE-National Broadband Network (NBN) probe sa Senado.
Aniya, isang testigo lamang ang hawak ng komite at isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang broadband scandal kaya’t mahahati ang atensyon ng mga senador.
Bilang depensa, inirason ni Cayetano na masyado pang mainit ang ZTE-NBN controversy at pagtutuunan lamang ng pansin ng blue ribbon committee ang iba pang iskandalo kapag naisara ito. |