Si Regine Velasquez ang nag-open ng SOP kahapon ng kantang This is My Now at sinundan ng mga co-host niya ng kantang We Are Family at marami pang awiting nagpapahiwatig ng pag-welcome muli kay Regine bilang bidang host ng naturang variety show.
Mahaba ang production number na ito na may pasingit-singit na kinukunan sa audience ang mga top executive ng GMA Network.
Sa simula pa lang, asiwa na kami sa aming napapanood sa pagbabalik ng Asia’s Songbird sa SOP.
Kaagad na may natanggap kaming text message mula sa isa sa readers (0918-432-1677):
“Juice mio! After all d hoopla, it seems everything s bak 2 d same arrangement. Sana aside from SOP may monthly musical special c Reg para nman ma-showcase talent nya unlike SOP na parang palengke…”
May karugtong pa ang mensaheng iyun pero huwag na lang, dahil hindi naman kasali si direk Louie Ignacio sa isyu.
Pagkatapos ng ilang gap, nagbigay na ng statement si Regine na hindi na raw siya aalis at mananatili siyang Kapuso (pero hindi siya sumagot nang sinabi ni Jaya na, “Forever, ha?”).
Sinundan iyun ng mga makabagbag-damdaming awitin mula sa mga co-host with matching pa-teary eyed effect, at patalbugan sila ng luha ni Jonalyn Viray.
Gusto na naman naming tumili ng, “Pleeze! Tigilan na ang palabas na ito!”
Si Regine na nagtangkang lisanin ang GMA 7, gustong lumipat sa ABS-CBN 2 na ipinagtampo niya dahil hindi na inialok sa kanya ang pinakaasam-asam niyang Betty Lea Fea, bumalik sa Siyete na may mensaheng, “Hindi na pala ako aalis.”
PRESTO!!!
Ang madramang welcome sa kanya ang concept ng buong episode ng SOP kahapon!
Iyan ang showbiz, kaibigan! Kung pwedeng magamit, gamitin na to the max!
Hanggang sa natapos ang show, ang laki ng pasasalamat ng lahat na hindi na itutuloy ang pag-alis ni Regine at paglipat sa Dos.
Teka! Sa haba ng pag-e-emote ni Regine, parang nakalimutan yata niyang humingi ng paumanhin sa mga taga-GMA 7 na balak sana niyang layasan.
Di ba, sinabi pa nga niya sa The Buzz na gustung-gusto niyang gawin ang Betty La Fea kaya siya lilipat ng Dos? Nabingi pa raw siya sa mga iniaalok sa kanya ng taga-GMA 7 dahil nakatuon na raw siya sa Betty La Fea lamang!
Di ba, sana, konting courtesy man lang… na humingi sana si Regine ng sorry dahil sa nilikhang gulo ng tangka niyang paglipat ng ABS-CBN 2?
Na-turn off kami sa napanood namin kahapon sa SOP!
Sana, hindi ito maging nega lalo kay Regine at huwag sanang madamay si Ogie Alcasid na proven na ang loyalty sa GMA 7.
Kung itutuloy na ng GMA Films at Viva ang pelikulang pagsasamahan nila ni Ogie, at kung itutuloy pa rin nila si Manay Lolit Solis na isali sa pelikula, nag-decide na ang huli na hindi na niya gagawin.
Parang pinag-iisipan na raw ni Manay Lolit na lumapit sa ABS-CBN 2 para ialok ang sarili na siya na ang gaganap na Betty La Fea!
|