Natuloy ang guesting ni Gretchen Barretto sa Startalk nu’ng Sabado at kabilin-bilinan, walang Nadia Montenegro questions dahil ayaw na raw niya ng negative.
Nu’ng nakaraang linggo ay tinalikuran din ang mga TV reporter nang maungkat na naman ang tungkol kay Nadia, kahit hiningan lang ito ng mensahe.
Napaiyak pa si Gretchen nang kinunan ang music video niya kaya nang tumuloy sa interview, medyo emotional pa at biglang tinalikuran si Mario Dumaual sabay dialogue ng, “Please give me some time to heal!”
Sa Startalk nu’ng Sabado ay never naitanong ang tungkol kay Nadia pero nang tinanong siya tungkol kay Tonyboy Cojuangco ay hindi siya sumagot at sinabi pa niyang gusto niya ay puro positive na lang.
Naulit pa ang tanong kung ano ang birthday gift sa kanya ni Tonyboy, biglang kumanta na lang si Gretchen ng Fly Me To The Moon.
Hanggang sa natapos ang interview, wala siyang nasagot tungkol kay Tonyboy.
Lalong nakadududa nang nalaman naming hindi pala natuloy ang pag-alis niya ng Amerika para samahan sana si Tonyboy na magpapa-check-up sa Boston.
Naka-schedule ang alis nila nu’ng Sabado ng gabi, pero hindi ito natuloy. Mas pinili raw niyang samahan ang anak nilang si Dominique.
Tinanong ko ang ilang taong malapit kay Gretchen kung hiwalay na ba sila ni Tonyboy dahil medyo nagdududa na kami sa pandededma niya sa mga tanong tungkol sa kanyang partner.
Hindi naman daw. Iniiwasan na lang daw ni Gretchen na idikit si Tonyboy sa pagpu-promote ng kanyang CD.
Sa pagkakakilala namin kay Gretchen, hindi siya magsisinungaling kaya minabuti na lang niyang manahimik.
***
Ngayong araw ay ise-celebrate ni Rudy Fernandez ang kanyang kaarawan at alam niyang meron nang inihahandang surprise birthday party para sa kanya si Lorna Tolentino at ang mga best friend niya.
Parang susugod ang halos lahat ng taga-showbiz dahil gusto nilang makibahagi kay Rudy sa kanyang espesyal na araw.
Ngayong linggo rin ay aalis sila ni LT kasama sina Raphael at Renz patungong Amerika para tanggapin ang kanyang award na igagawad sa Kodak Theater kasama ang iba pang celebrities.
Manonood sila ng laban nina Pacquiao at Marquez, at magpapa-check-up si Rudy. Medyo matatagalan sila sa Amerika dahil baka may treatment na ring gagawin sa aktor.
Happy Birthday, Kuya Rudy! Isa rin kami sa nananalanging dapat matupad ang wish ng marami na, “More birthdays to come!”
Belated happy birthday din pala kay Tita Maryann Opeña na nag-celebrate ng kanyang kaarawan kahapon.
***
Walang halong ek, kapansin-pansin ngayon kay LT na lalo siyang gumaganda dahil maganda ang pagpayat niya.
Parang maaliwalas na ang mukha at sobrang positive ang aura niya kumpara nu’ng mga nakaraang araw.
Nandiyan pa rin ang alok ng FHM na mag-pose siya sa cover na mukhang pinag-iisipan din niyang tanggapin.
Parang mas type niyang pagdating ng 50 years old, saka siya mag-pose ng sexy sa FHM.
Feeling ng aktres, kaya niyang i-maintain ang kaseksihan hanggang sa mag-golden girl na siya.
Proud na proud pa siyang ipinakita sa amin ang ipina-tattoo niyang wings sa kanyang pusod.
Sakaling matuloy ang pag-pose sa FHM cover, iba ang dating nitong tattoo sa kanyang pusod.
***
Napag-usapan din nu’ng Sabado na buntis daw uli si Kris Aquino.
Isa yata ito sa big story ng The Buzz pero narinig kong tinawagan ni Ricky Lo si Kris, sinabi nitong false alarm ang isyung buntis.
Ipinaalala sa amin ni Manay Lolit Solis na hindi na pwedeng mabuntis si Kris Aquino dahil delikado ang huling pagbubuntis nito kay Baby James.
Sinabi nga noon ni Kris sa Rated K na special sa kanya si Baby James dahil iyun na raw ang huli niyang pagbubuntis ayon sa kanyang doktor.
|