SAN LEONARDO, Nueva Ecija --- Labing-apat na jueteng personnel ang inaresto ng mga tauhan ng Regional Mobile Group at Regional Intelligence Group ng PNP-Region 3 matapos mabigo ang pulisya sa lugar na ito na mapahinto ang jueteng operations.
Iniutos ni PNP region 3 chief Errol Pan sa RMG at RIG na salakayin ang jueteng den ng isang alyas Tomboy sa Barangay Mambangnan, San Leonardo, Nueva Ecija.
Kamakalawa ay 14 na jueteng personnel at mga jueteng paraphernalia ang nakumpiska ng RMG at RIG sa mismong bolahan ng jueteng.
Ayon sa ulat, matagal na umano ang jueteng operations ni alyas Tomboy na umano’y pinamamahalaan mismo ng barangay official.
Matagal nang inirereklamo ang nasabing jueteng operations kay San Leonardo Mayor Froilan Nagano subalit hindi naman ito napapahinto hanggang sa kasalukuyan.
Kamakalawa ay iniutos mismo ni Chief Supt. Pan sa kanyang mga tauhan
na salakayin ang nasabing jueteng den ni Tomboy hanggang sa maaresto
ang 14 na personnel nito at nakumpiska ang mga jueteng paraphernalias.
Pinagpapaliwanag ni C/Supt. Pan ang hepe ng San Leonardo police gayundin ang Nueva Ecija provincial director dahil sa pagkabigong
mapahinto ang nasabing jueteng operations.
|