|
JI malaking banta sa Southeast Asia
|
WORLD
TONITE
JI malaking banta sa Southeast Asia CANBERRA --- Nananahimik ngayon ang militanteng Jemaah Islamiyah ngunit ang mga galamay nito ay nakatakdang maglunsad ng mga pag-atake at itinuturing na pinakamalaking banta sa seguridad sa Southeast Asia. Ito ang inihayag ng Australia bago idaos ang security summit sa Indonesia. Noong nakaraang buwan, nag-isyu ng alert ang Canberra at sinabing ang mga militanteng nag-uugat sa Indonesia ay nasa "advance stage" na sa kanilang planong pag-atake sa Central Sulawesi, lugar na binabalot ng kaguluhan at labanan sa pagitan ng Indonesian Muslims at Christians. Ang pahayag ng Australia ay ipinalabas habang naghahanda naman para sa security meeting sa Jakarta na idaraos sa Lunes ang foreign affairs, security ministers at police chiefs mula sa Malaysia, Australia, Indonesia, Philippines, Singapore at Thailand. "In terms of whether JI is still the most significant threat, I think we would probably say yes," ayon sa senior Australian security official na sadyang itinago ang pangalan. Binigyang diin nito na ang banta ay hindi dapat nakasentro sa pangalan ng JI lalo na’t marami itong mga galamay. "It’s the individuals who carry the capacity and the intention, and they can morph into other organizations and they can move off and work in different ways," dagdag pa ng opisyal. "We would still say JI is a serious threat, but let’s not take our eyes off other groups." Ang pulong sa Lunes ay dadaluhan ng mga kinatawan ng mga bansang lubhang inatake ng JI simula pa noong taong 2000. Tatalakayin kung papaano tumutugon ang regional governments sa terror attacks na nagdudulot ng mass casualties, ayon naman kay Foreign Minister Alexander Downer. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|