|
Bangis ni LeBron, 'di umubra sa Mavs Horseracing, hihina at lulubog
|
SPORTS
UPDATE
Nat'l coach umamin sa pananakit ng player, pagkuha ng team money 'I DID IT FOR GOOD REASON' (Ace Pasco) Inamin ni suspended canoe-kayak coach Leonora Escollante na totoo ngang nanakit siya minsan ng isang player niya, at totoo ngang kinuha niya ang nakatalagang ATM para sa allowance ng mga atleta upang ipambili ng pagkain ng buong koponan. Subalit, sa emosyonal na pahayag kahapon, iginiit ng 1993 SEA Games RP volleybelle gold medallist na may magandang dahilan, intensyon at rason kung bakit niya ginawa ang mga nasabing aksyon. "I did it for good reason," ani Escollante na humabol sa SCOOP session sa Kamayan kahapon kasama ng ilan sa RP rowers. Ipinaliwanag ni Escollante na may pahintulot ng mga players ang paghawak niya ng ATM, at ginagawa niya ito para pagkasyahin sa pagkain ng buong koponan ang nakalaang P3,000 sa P4,000 kada buwang allowance ng bawat player. Buong-buo niya itong pinambibili ng pagkain, aniya at nagbibigay pa siya ng pampamasahe sa players. "Nung player kasi ako, kapag nagte-training kami dahil kulang sa allowance pangkain, minsan itinutulog ko na lang ‘yung gutom. Mahirap iyon, kaya nangako ako na ‘pag naging coach ako, ayaw kong maranasan ng mga players ko iyon. Kaya ngayon ginagawan ko ng paraan na ma-budget ‘yung konting pera ng mga bata para sa pagkain," anang maluha-luhang si Escollante. Sa isyung pananakit naman, sinabi ng dating presidente ng Athletes Commission noong siya’y atleta pa na minsan lang niya ito nagawa nang mabuntis ng isang player niya ang teammate nito, ilang buwan bago mag-SEA Games. Aniya, nadala siya noon ng emosyon at naibunton ito sa lalaki sapagkat nanghihinayang siya umano noon sa ilang buwang training nila na mababalewala lang. Saka turing niya raw sa players ay parang mga anak na, kung saan ikinuwento niyang kapag umpisa’t bata pa ang manlalaro’y hindi niya masyado hinihigpitan pero paglaon habang tumatagal niyang hinahawakan siyempre’y iniistriktuhan na rin parang military-style upang madisiplina. Lahat umano ito’y para sa kapakanan ng player na adhikain na manalo para sa bansa. "At ito ang napala ko sa matagal kong paglilingkod sa sports bilang player at ngayon coach," aniya. Naunang nagsampa ng reklamo ang limang players na sina Norwel Cajes, Marvin Amposta, Jonard Seren, John Oliver Victorio at Aljoy Mascarina sa Philippine Sports Commission (PSC) hinggil sa umano’y pagkuha at paghawak ni Escollante ng kanilang ATMs, kasama ng alegasyong pananakit sa training. Inaksyunan ito ng government agency sa pamamagitan ng isang resolusyon noong Feb. 13 na nagsusupendi kay Escollante habang ginaganap ang imbestigasyon. Walang matatanggap ang coach na allowance mula sa PSC habang hindi pa tapos ang pagsisiyasat at inulat pa na posibleng sampahan ng kasong kriminal si Escollante at matanggal din sa pagiging Philippine Navy personnel. Ang suspensyo’t imbestigasyo’y nagpapatuloy sa kabila ng pagbawi ng limang players sa kanilang reklamo noong Lunes sa pamamagitan ng affidavit na nagsasabing nabigla lang sila at dapat hindi na lumaki ang isyu na marapat inireresolba sa loob lamang ng kanilang pederasyon. "Internal kasi ito. Gagawan na lang namin ng paraan (ang problema) sa aming pederasyon. (Unfair) ang pag-suspend nila (PSC) sa akin na hindi man lang natapos ‘yung investigation. Parang nawalan ako ng due process," himutok ni Escollante.
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||||
|
|