Alfie Lorenzo

Billy Balbastro

Allan Diones

Abu Tilamsik

Joe Barrameda


Pralala Et Cetera

Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

Nora, napahalakhak sa tsismis na ipinakulong siya


False alarm ang tsikang ipinakulong na ng judge si Nora Aunor sa Amerika dahil hindi umano nito ginagawa ang kanyang mga obligasyon sa korte kaugnay ng kasong kinakaharap niya roon.

Kamakalawa nang gabi ay kumalat ang usap-usapan na nainis na raw ang American judge kay Nora dahil sa pagbabale-wala nito sa ‘program’ (hindi raw rehab) na dapat niyang sundin kaya ibinilanggo na raw ang aktres sa Los Angeles city jail.

Nakausap namin kahapon ang tumatayong executive assistant ni Ate Guy sa Pilipinas (at international coordinator ng iba’t ibang Nora Aunor fan clubs) na si Albert Sunga at nilinaw ni Albert na walang katotohanan ang nasabing isyu.

Katatapos lamang daw nilang mag-usap ni Nora sa telepono at kasalukuyan itong nasa Las Vegas, Nevada. Isang malakas na halakhak ang reaksyon ng Superstar sa tsismis.

Sabi pa ni Ate Guy, hindi siya magtataka kung pagkatapos ng ‘kulong issue’ ay mapabalita na nakabalik na siya ng Pilipinas at nagtatago lang siya rito.

Ayon kay Albert, malabong magkatotoo ang isyu dahil sobra-sobrang community service ang ginagawa ni Ate Guy roon.

Minsan sa isang seminar na nag-guest ito para kumanta ay nahilingan pa itong magsalita tungkol sa kanyang buhay-artista sa ‘Pinas, na pinaunlakan ni Ate Guy at ikinatuwa maging ng mga Amerikanong naroon.

Mga Agosto 2006 nagsimula ang nasabing ‘program’ ng aktres na may kasamang community service. Sa Oktubre ito magtatapos kaya tila may balak si Nora na bumalik sa ‘Pinas sa Nobyembre.

Kung matutuloy ay gusto rin nitong magkaroon ng ‘homecoming’ concert sa Araneta Coliseum sa Disyembre.

Bukod sa healthy living ay sexy raw ngayon si Ate Guy at 24 inches ang waistline.

***

Nasa Las Vegas si Nora para sa contract signing ng kanyang birthday concert na gaganapin sa Mayo 19 (Mayo 21 ang kanyang kaarawan) sa Plaza Hotel sa Vegas.

Hindi pa sure kung makukuha niyang guest sina Martin Nievera (na naroon ngayon sa Vegas) at Rico J. Puno.

Tuloy ang US tour ng Superstar concert ni Ate Guy na magsisimula sa Abril 13 sa Beneroya Hall, Seattle, Washington.

Narito ang iba pag showdates:

Abril 21 at 22 sa Step by Step Dance Port Studio, New Jersey;

Mayo 5 sa Logan’s High School, Union City;

Mayo 13 sa Beverly Garland Hotel, Los Angeles;

Hunyo 8 sa Sycuan Casino & Hotel sa San Diego.

Ayon kay Albert Sunga (na production manager at tour coordinator ng show), makakasama ni Ate Guy sa Superstar tour sa Abril sina Tirso Cruz III, Ian de Leon at Kiko de Leon.

Si Ian ay pinayagan nang mag-leave sa Super Twins ng GMA nang 3 weeks straight at sabay silang aalis ng kapatid na si Kiko sa Marso 28.

Si Pip ay hindi pinayagan ng GMA ng diretsong 12 days dahil sa taping nito ng Lupin kaya magbabalikan ito. Aalis si Pip ng Abril 12 at balik dito ng Abril 14; aalis ulit ng Abril 20 at balik ng Abril 23.

Sobrang excited si Kiko dahil first time nito sa Amerika. Maiiwan siya roon nina Ian at Pip dahil kasama pa siya sa tatlong remaining shows at sa birthday concert ni Ate Guy.

Hindi umano totoong nagkasamaan ng loob sina Nora at Lotlot de Leon kaya hindi ito natuloy sumama sa nasabing US tour. Ang rason ay hindi raw pinayagan ng GMA si Lotlot dahil sa taping ng Princess Charming.

Wala raw tampuhan ang mag-inang Guy at Lotlot at nagpapalitan pa ng emails ang mga ito.

Sa huling email ni Lotlot kay Nora ay nabanggit nito ang tungkol sa pagpa-file niya ng annulment sa asawang si Ramon Christopher.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top