|
|
OPINION
Debate? Ano 'yon? Kung palilipasin na ang mga nangyari, masasabing naging "sport" naman ang magkabilang panig sa paglaglag kay Sen. Kiko Pangilinan sa tiket ng Genuine Opposition (GO). Nasabi sa akin ng isang source mula sa UNO, bago pa naanunsyo na maiitsapuwera si Sen. Kiko sa tiket... malamang na 11 na lamang ang dadalhin ng GO at hindi na pupunuin ang ika-12 puwesto. Ito na rin ang paalala ni Liberal Party Pres. Franklin Drilon du’n sa aming Kapihan sa Senado... na sana’y igalang ng GO ang "kasunduan" na hindi na kukuha ng kapalit ni Sen. Kiko, at bukas pa rin ang pagsuporta ng LP sa GO. Nangangahulugang may kasunduan nga. Kapag pinalitan pa si Pangilinan at pinuno ang tiket, magiging "kumplikado" ang kampanya, at hindi niya maipapangako na tutulungan ng LP ang buong tiket, sabi ni Drilon. Inamin naman ni Pangilinan na maski na libreng-libre na siya ngayon sa kanyang style ng pangangampanya, iba na rin ‘yong kasama siya sa isang tiket, kung saan kasama lagi ang kanyang pangalan sa mga sample ballot na ikakalat ng grupo. Nariyan din ang problema sa mga watchers, bagama’t sabi ng LP ay mapupunuan nila ito. Nasabi ni Sen. Kiko na dahil solo na siya, malamang na mapaaga ang paghatak niya sa kanyang Mega na sumama sa kampanya. Bakit hindi, eh si Mega naman talaga ang kanyang pinakamalaking alas. Isa pa, libre nang magagawang ikampanya o suportahan ni Sen. Kiko ang kanyang kasamahan sa Wednesday Group na nasa kabilang tiket... sina Joker Arroyo at Ralph Recto. At tiyak namang susuklian din siya (at si Manny Villar) ng patagong suporta nung dalawa. At sino naman kaya ang ilalaglag nitong dalawa sa kanilang tiket? Esep-esep! Isang komento lang. Sana’y lubayan na nga ng mga nasa likod (alam kong hindi si Erap) ng pakulong may tumatakbong "ASO" sa Team Unity. Sa mga sumusubaybay ng Usisero, hindi naman maikakaila na mas madalas ang puna kaysa sa puri sa administrasyon. Pero itong linya ng ASO (Angara, Sotto, Oreta), ay sa palagay ko’y mababa pa sa imburnal. Hindi ako pupusta na matutuloy ang pinauugong na debate sa pagitan ng GO at Team Unity. Kung nagkasundo man ang dalawang kampo na sila’y mag-debate, tanging ‘yon lang ang napagkasunduan. Doon sa parteng kung ano ang mga isyung dapat pagdebatehan, at kung saan gaganapin ang debate... ewan. Kung hindi ako nagkakamali, ang hamon ay nagmula sa GO. Inabot muna ng ilang araw bago tinanggap ng Team Unity ang hamon, pero kaagad na may kondisyon... na ang pagdedebatehan lamang ay ang usaping pang-ekonomiya. Sagot naman ng GO... bakit ekonomiya lang? Ayon sa GO, ang dami-daming isyu na dapat maliwanagan sa taumbayan... tulad ng corruption, itong "extra-judicial killings" ng mga aktibista ang mamamahayag, pandaraya sa eleksyon (bida rito si Garci), at lahat nang isyu laban sa administrasyon na hanggang ngayo’y nanatiling walang tuldok. Kaya kung hindi magkasundo sa kung ano ang pagdedebatehan, at kung saan ang lugar (gusto ng Team Unity sa Manila Hotel, gusto ng GO sa Plaza Miranda) ng debate... matuloy pa kaya ang mismong debate? Makalaro na lang nga ng golf. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|