|
|
HULAAN
BLUES
Bagitong pulitiko nagwala nang tanggihan ng bebot (Bernard Taguinod) Naninira ng gamit at nagpapaputok ng baril ang isang bagitong pulitiko kapag tinatanggihan siya ng kursunadang babae sa kabila ng dami ng pera at pagiging sikat nito. Ito ang natuklasan ng DPA ng TONITE ukol sa bagitong pulitiko na ito na nakalimot na sa pinanggalingan matapos makatikim ng tagumpay sa propesyong pinasok. Sa impormasyong nakarating sa DPA ng TONITE, napaulat man ang pagwawala ng bagitong pulitiko sa isang bar sa kanilang lalawigan, pero hindi naman nalaman ng taumbayan ang dahilan. Nabatid na nagliwaliw ang bagitong pulitiko sa isang bar sa kanilang lugar upang magsaya kasama ang sangkaterbang bodyguard at mga kaibigan na nakilala niya nang sikat na siya. Nakursunadahan ng bagitong pulitiko ang isang singer sa club at itineybol kaya tuwang-tuwa ang tukmol dahil sa pag-aakalang mapupunta na sa kanya ang bebot. Ang masaklap, nang alukin ng bagitong pulitiko ang babae na lumabas na silang dalawa lamang ay magalang na tinanggihan ito ng bebot dahil hindi ito lumalabas kasama ang customer at mayroon na itong asawa na naghihintay sa kanya sa loob din ng club. Hindi nagustuhan ng bagitong pulitiko ang kanyang narinig dahil napahiya ito sa kanyang mga kasamahan nang harap-harapan siyang tanggihan sa kabila ng pagiging sikat at mapera. Lumabas daw ang mokong at pinagsisipa ang mga nakaparadang motorsiklo sa labas ng club dahil hindi nito matanggap na may tatangging babae sa kanyang estado ngayon. Hindi pa nakuntento, nagbunot daw ng baril ang mokong at nagpaputok nang nagpaputok dahil marahil sa kanyang natikmang kabiguan kaya marami ang nataranta. Tumigil umano sa pagwawala ang bagitong pulitiko nang makitang dumarami na ang nag-uusyoso kaya umuwi na lamang ito subalit hindi malaman kung nagbayad ito sa mga nasirang motorsiklo. Clue: Masyadong bilib sa sarili ang bagitong pulitiko dahil marahil sa mga bigtime na taong nakapaligid sa kanya na pawang nakilala niya noong sikat na siya kaya tatakbo raw sa Kongreso sa Mayo. Mayroon itong inisyal na M as in Mambabatas ang ambisyon kahit tinaguriang "English murderer" dahil sa nagpipilit mag-Ingles kahit wala sa hulog. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|