Editorial

Usisero

Tapatan


 

 

EDITORIAL

Delikado nga naman 


Walang masama sa medical missions at sa katunayan ay napakalaking tulong nito sa ating mga kababayan, lalo na sa mga liblib na lalawigan ng Pilipinas na halos hindi nadadalaw ng mga doktor o kung meron man ay isa lamang para sa buong komunidad at kulang na kulang pa sa gamit, pasilidad at mga gamot.

Kaya nga kahanga-hanga itong mga indibidwal at organisasyong nagkakawang-gawa na magkaloob ng libreng konsultasyong medikal sa mga liblib at mahihirap na lugar.

Hindi birong dedikasyon ang kanilang ipinakikita, makatulong lamang sa mga nangangailangan.

Pero maganda ring napuna ng ating mga manggagamot ang tila paggamit din ng medical missions sa political gimmick ng mga tumatakbong kandidato.

Maraming pinanggagalingan ng pangamba ang ating mga manggagamot dito sa kampanyang pulitikal na isinasakay sa anyo ng libreng konsultasyon at gamutan.

Una, baka mga expired o malapit nang ma-expire ang mga gamot na ipinamimigay. Marami pa naman daw sa mga pumipila para kumuha ng gamot ay itinatabi ang mga ito para sa kanilang pangangailangan sa darating na araw. Kumbaga, hindi naman nila ito agad-agad na ikokonsumo kundi ini-stock lang para sa hinaharap.

Kung malapit nang ma-expire ang gamot ay medyo delikado talaga.

Pangalawa, hindi biro ang pagkakaloob ng medical missions dahil mahalagang masilip muna ang rekord o health background ng kumukonsultang maysakit. Hindi ito puwedeng hatulan at lapatan ng gamot sa isang check-up lang dahil may mga sakit na nangangailangan ng serye ng pagsusuri at laboratory examinations.

Pero dahil political gimmick lamang naman ang iniestablisa ng medical missions ng mga kandidato ay hindi na ito inaalintana. Basta bigay na lang nang bigay ng gamot para masungkit ang boto ng mga kaawa-awang pasyente.

Ang pangamba ng mga manggagamot natin ay baka makasama pa sa kalusugan ng mga mamamayan ang ganitong uri ng medical mission kaysa makatulong. Kaya kung hindi rin lang sinsero at walang dedikasyon sa kanilang ginagawa ang mga pulitiko ay nakikiusap ang mga doktor na huwag nang idamay sa pulitika ang panggagamot.

Nakikiisa kami sa pangangalampag na ito. Kung wala sa serbisyong medikal ang inyong puso at commitment, huwag na kayong umepal pa riyan. Maawa naman kayo sa aming mga mahihirap.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top