Dahil na rin naliligo sa dagat ng pera si Nacionalista Party standard bearer Manny Villar ay natural lang na maparatangan ito ng vote buying lalu pa’t bahagi ng kanyang campaign strategy ang gumamit ng pera para manalo.
Dalawang insidente ang posibleng makasuhan si Villar ng vote buying kung may maglalakas-loob na pumunta sa Commission on Elections para magsampa ng pormal na reklamo.
Ang unang insidente ay naganap sa kanyang pa-concert sa Mall Of Asia noong Biyernes ng gabi kasabay ng Edsa rally sa Araneta Coliseum ni Liberal Party presidential candidate Noynoy Aquino. Sa kalagitnaan ng concert sa MOA ay namigay si Villar ng sandosenang scholarship sa mga mahihirap na bata na nagkakahalaga ng P70,000 bawa’t isa.
Ang ikalawa namang insidente ay nangyari sa campaign sortie ng NP sa mga syudad ng Batangas at Lipa kung saan namigay ng tig-P20 si Villar sa mga batang paslit na naghihintay na makamayan ang kandidatong mahilig tumulong sa mahihirap.
Sa unang insidente, ang naging depensa ni NP spokesman Gilbert Remulla sa akusasyon ng vote buying ay matagal nang napanalunan ng mga bata ang mga naturang scholarship sa Wowowee at pormalidad na lamang ang pagbibigay sa kanila noong concert sa MOA.
Sa ikalawang insidente, si Villar na mismo ang sumagot at sinabing hindi vote buying ang pagbibigay niya ng tig-P20 sa mga bata sa Batangas dahil hindi naman botante ang mga ito at ang layunin niya ay mabigyan lamang ang mga bata ng pera para makabili ng mamemeryendang kamote.
Kung gagamiting pamantayan ang depensa ni Villar na hindi vote buying ang pamimigay ng pera sa mga hindi botante ay guilty pala ng pamimili ng boto si dating Pangulo Joseph Estrada dahil nagbigay siya ng P200 sa isang botante na nagngangalang Myra Albolera sa San Jose del Monte, Bulacan.
Si Albolera ang may kargang 3-years-old na anak na nangangailangan ng medical assistance dahil sa kapansanan kung saan lumobo ang mukha at baba nito.
Lumapit si Albolera kay Erap para sana humingi ng medical assistance sa kanyang anak pero inabutan lang siya nito ng P200 sabay himas sa ulo ng kanyang anak na si Yanyan.
Sa punto de bista ni Villar, vote buying ang pamimigay ni Erap ng P200 sa Bulacan dahil botante ang inabutan nito at hindi gaya ng mga batang paslit na binigyan niya ng tig-P20 sa Batangas.
Kaya marahil ganoon na lang ang galit ni Erap kay Villar dahil bukod sa panggagaya nito ng orange campaign color na orihinal kay Estrada ay pilit din nitong kinukuha ang masa ni Erap sa pamamagitan ng paggamit ng linyang “mula sa mahirap, tumutulong sa mahihirap” na walang pinagkaiba sa “Erap para sa mahirap.”
Nakakatuwa lang isipin na kung sino pa ang mga kandidatong magdadala ng linyang maka-mahirap ay sila pa ngayon ang napaparatangan ng vote buying dahil na rin sa pamimigay ng pera sa mga mahihirap.
Pero walang duda na sa sobrang dami ng pera ni Villar ay hindi lang boto ang kanyang kayang bilhin kundi pati kandidato lalu na kung kailangan para siya ay manalo sa pagka-pangulo.
Ang tinutukoy ko ay ang napabalitang pagkausap kay Erap ni Bro. Mike Velarde ng El Shaddai para himukin itong umatras na sa panguluhan at suportahan si Villar.
Mismong si dating Senador Ernesto Maceda na campaign manager ni Erap at ng kanyang Puwersa ng Masang Pilipino ang nagbuko kay Bro. Mike na balita natin ay nag-offer pa ng malaking halaga ng pera para sa pag-atras ni Estrada.
Dahil ibinuko ni Maceda ang naturang pagpupulong ay nangangahulugan lamang na hindi nagustuhan ni Erap ang naging mensahe ni Bro. Mike at dahil nga dito ay lalung nanindigan ang dating pangulo na hindi siya aatras sa labang ito.
Kung susuriin nga ay bukod sa may kapasidad bumili ng kandidato ay si Villar din ang may malaking dahilan para mapaatras si Erap dahil nga sa boto ni Villar kumakain ang dating pangulo na hanggang ngayon ay patok pa rin sa Class E na siya ring base ng NP standard bearer.
Batid ni Villar na hangga’t kasali sa presidential race si Erap ay mananatiling mababa ang kanyang numero at hindi sasapat para manalo siyang presidente sa halalan sa Mayo 10.
Kaya bukod sa vote buying ay kailangan din ng candidate buying ng kampo ni Villar at ang gusto nilang bilhin ay walang iba kundi ang orihinal na ama ng masa. |