MARCH 2, 2008 -- SUNDAY
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
SPORTS NEWS


King James o Prince Williams?
ni Al S. Mendoza

Maulit kaya ang kasaysayan? O merong uukit ng bagong kasaysayan?
Iyan ang mga tanong mamayang gabi sa Araneta Coliseum. Ang mga sagot ay manggagaling kina coach Ryan Gregorio ng Purefoods at coach Boyet Fernandez ng Sta. Lucia Realty.

Iuuwi ng mananalo ang Smart PBA Philippine Cup -- ang All-Filipino crown ng 2008.

Kung si Ryan ang panalo, kinopya niya ang kanyang unang dalawang tagumpay sa PBA.

Noong 2002 at 2006, bumangon si Ryan mula 0-2 para ibulsa niya ang 4-3 victories laban kina Yeng Guiao-Red Bull at Tim Cone-Alaska.

Sa kasalukuyang best-of-seven series, nalugmok din sa 0-2 si Ryan bago siya tumabla, 2-2. At mula 2-3, ginawang 3-3 ni Ryan ang serye.

Game 7 tayo mamaya at mukhang nasa panig ni Ryan ang kasaysayan.
Sa anim na Game 7 wins ng Purefoods, tatlo ang kay Ryan. Katunayan, wala pang talo sa Game 7 si R­yan.

Kapag siya’y lumusot mamaya, dadaklutin ni Ryan ang ika-5 All-Filipino title ng Purefoods.

Kapag nagkataon, tatablahan ng Purefoods ang 5 All-Filipino titles ng Crispa -- isang rekord sa PBA.

Kung si Boyet naman ang magwawagi, ito ang kanyang unang kampeonato sa una pa lamang niyang pagsabak sa PBA Finals.

Ang record ng dalawang koponan sa 2008 season ay parehong 19-12.
Pero lamang ang Purefoods sa head-to-head duel nila.

Sa 16 nilang paghaharap mula 2006, 11 beses tinalo ng Purefoods ang Sta. Lucia. Sa taong ito, lamang ang Purefoods, 5-3.

Magawa kayang 6-3 ng Purefoods ang record mamaya, o masilat sila ng mga maglolote ng Sta. Lucia?

Samantalang si King James Yap ang buhay ng Purefoods, si Kelly Williams naman ang alas ng Sta. Lucia.

At samantalang tumakada ng 30 puntos si King James para sa Purefoods noong Game 6 -- 20 rito ay nanggaling sa 4th quarter -- 9 lang ang ginawa ni Prince Williams (perstaym sa 26 games na hindi lumagpas sa 10 puntos si Williams).
Wika nga’y ubusan na ng lahi mamaya. Wala nang bukas pa.

Sino ang aangat, si King James o si Prince Williams?
Maaga akong maghahapunan mamaya. Gusto ko’y makita ko ang bakbakan mula umpisa.

Parang sine baga.

 

 


Microsoft Internet Explorer 7