Kapwa mga nakatingala sa kani-kaniyang kasaysayan, isa na nais maipagpatuloy ang winning tradition sa espesyalidad nilang torneo at ang isa pa’y masakote ang buena-manong all-Pinoy title sa loob ng 15 taon.
Pagpapasyahan ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs at Sta. Lucia Realty ang kokopo sa kanila ng kampeonato -- Emilio ‘Jun’ P. Bernardino Trophy -- sa klasikong 2007-08 Smart Philippine Basketball Association Philippine Cup sa patayang Game Seven nito ngayong alas-6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Eentra ang P’foods, ang pinalad sa Games Three, Four at Six via 118-107, 106-98 at 89-81 wins; at Sta. Lucia, ang namayagpag sa Games 1 (109-97), 2 (112-101) at 5 (88-76), na balik-lyamado sa nasagad na race-to-four victories makaraang madale ang huling digmaan noong Miyerkules.
“We want to end this tourney on top,” deklarasyon ni head coach Paul Ryan Gregorio, na ibig makumpleto ang 0-2 deficit sa serye kagaya nang nagawa niya at tropa kontra Alaska Milk at angkinin ang 2002 Governors’ Cup crown.
Kapag nabitbit ang centerpiece plum na ito ng professional league, magiging panlima na ito ng P’foods sa pagdiriwang ng ika-20 sa liga ngayong taon na papantay sa record na lima ng buwag nang Crispa -- ang pinakamarami sa mga koponan sa kasaysayan.
Magiging unang mentor din ng Giants ang 35-anyos na nakapag-uwi ng dalawang titulo sa nabanggit na tourney kapag nakuha ito, na magiging pangwalo rin ng tropa sa lahatan. May tig-iisang all-Pinoy title bukod sa kanya sina Eleazar Capacio noong 1991, Vincent Reyes noong 1993 at Eric Altamirano noong 1997 sa may 12 Finals stint sa torneong nabanggit at 20 sa pangkalahatan.
“We will be back in Game 7,” pagbabanta ni Teodorico ‘Boyet’ Fernandez III, 36, nasa pangalawang kumperensya sa team, na ibig ding sundan ang huling korona ng SLR sa loob ng pitong taon (2001 Governors’ Cup) bukod pa sa nais maging 10th former PBA player na nakapagsubi ng kampeonato bilang coach.
Matapos igiya ang Realtors sa maraming 1st o achievements sa season-opening ng 33rd season ng PBA na kinabibilangan ng all-time longest 8-game winning streak, 1st outright semifinals berth, all-time most 12 wins sa eliminations, 1st best-of-7 semifinal and win, 1st game 7 & win at 1st all-Pinoy Finals, nagbabadya siyang maihilera ang sarili kina Fortunato Acuña, Robert Jaworski, Arturo Valenzona, Jaime Mariano, E. Capacio, Quirino Salazar, Altamirano, Joel Banal at Bethune Tanquingcen na mga lumaro sa liga at nang mag-coach ay nakuha rin ang korona.
Inaasahang mga babalikat sa mga soriso sina leading PBA Press Corps Finals Most Valuable Player contender James Carlos Yap, Kerby Raymundo, Rogelio Yap, Jr., rookie Chico Laneta, Tito Castillo at Romel Adducul. Sa mga maglolote ay sina Kelly Williams, na patok din sa Finals MVP, Marlou Aquino, Dennis Espino, Paolo Mendoza, rookie Ryan Reyes, Joseph Yeo at Nelbert Omolon.