MARCH 2, 2008 -- SUNDAY
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
PUBLIC SERVICE
 
 
Kunsumido
ni Tita Nora
 

Dear Tita Nora,
Hinihiling ko po ang inyong payo.
Sobra na kasi ang mister ko at malakas ang kutob kong nambababae siya.
Panay ang porma niya ngayon at salamin. Laging may bagong damit at nahuhuli kong panay ang ngiti pag hawak ang cellphone niya.

Para siyang nagbibinata at ang kaduda-duda ay hindi niya mabitaw-bitawan ang cellphone niya.

Hindi iyon gaya dati na kung saan-saan lang niya inilalapag. Madalas din ay ginagabi siya at idinadaing ang araw-araw na traffic. Hindi ko kayang may kahati, Tita, lalo pa’t hirap na hirap na ako sa pag-aalaga ng mga anak namin at pag-aasikaso sa mga gawaing bahay.

Gusto ko sanang magtrabaho uli pero ayaw naman niya. Lagi nang mainit ang ulo ko.

Pagpayuhan mo ako, Tita, dahil parang masisira na ang ulo ko sa kunsumisyon.

Juliet


Dear Juliet,
Bago mo kunsumihin ang sarili mo ay siguraduhin mo munang may ibang babae nga ang mister mo.

Mahirap kasi ang basta manghusga nang wala pang pruweba.
Imbes na pangunahan ka ng selos o gumawa ka agad ng sarili mong multo ay ipanatag mo muna ang loob mo.

Kunsabagay, minsan ay hindi mo talaga maiwasang paghinalaan ang isang taong may malaking ipinagbago. Meron din kasing tinatawag na ‘intuition’ o ‘instinct’ ang mga kababaihan. Pero bago mo siya husgahang may ibang kinalolokohan ay kailangan munang meron kang mapatunayan.

Pansamantala, habang nakikiramdam ka’y gawin mo pa rin ang mga tungkulin mo bilang asawa niya lalo na sa inyong mga anak.

Saka mo na siya komprontahin pag may ebidensiya ka na. Tiyakin mo lang na idadaan mo muna ito sa mahinahong pag-uusap. Kasabay niyan ay suriin mo rin ang iyong sarili at alamin ang iyong mga pagkukulang.

Tungkol naman sa plano mong magbalik-trabaho ay pag-usapan ninyo iyan at pagkasunduan. Bigyan-rason ninyo ang katwiran ng bawat isa at gawin kung ano ang makakabuti.

Nasa inyong dalawa lang ang sagot sa inyong problema kaya sikapin mong kausapin siya at alamin ang dahilan ng inaakala mong ipinagbabago niya.
Good luck and God bless you.


Love,
Tita Nora

 

Microsoft Internet Explorer 7