Ibinalandra kahapon ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga
bata-batalyong armadong puwersa bukod pa sa mga nakahambalang na mga tangke na animo’y sasabak sa isang malaking giyera.
Ang senaryong nabanggit ay nangyari kasabay ng higanteng rally na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan na mahigpit na bumabatikos sa malawakang katiwaliang nagaganap sa administrasyong Arroyo.
Bagama’t nasa loob lamang ng kampo ang mga armadong puwersa ng militar at kapulisan, nag-iwan pa rin ng matinding takot sa sibilyan ang ginawa nilang preparasyon, masyadong overkill kung pagmamasdan.
Sino ba ang kalaban ng militar at kapulisan at kailangang pumarada na may ganoong kabibigat na armas?
Nandoon na kami, kailangan nilang proteksyunan ang Punong Ehekutibo, pero may obligasyon pa rin silang pangalagaan ang seguridad ng sambayanang Filipino.
Hindi ba’t bilang mga awtoridad, dapat ay parating nasa gitna sila?
Pero sa takbo ng pangyayari, lantarang ipinakikita at ipinararamdam ng militar at kapulisan na ang kanilang katapatan ay nasa liderato lamang ng gobyerno at hindi sa sambayanang Filipino na siyang isinasaad ng ating Konstitusyon.
Ayaw nating isiping naiba na ang nilalaman ng ating Konstitusyon o hindi kaya dahil lamang sa liderato ng AFP at PNP kaya nagiging partisan ang mga awtoridad na sa halip na sa publiko maging tapat at magsilbi ay sa kung sino lamang ang nagtalaga sa kanila sa kapangyarihan?
|