Hindi na epektibo ang masa dahil sa sumisingaw na bayaran at hakot system tuwing sila ay nakikipagpartisipa sa mga kilos-protesta.
Hindi na rin epektibo ang puwersa ng mga manggagawa dahil karamihan sa kanila ay takot mawalan ng trabaho at takot ding madukot o mapatay dahil pinagbintangang rebelde.
Pinaka-epektibo na ngayong panahon ang puwersa ng mga estudyante para iparating kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na masyado nang nakakahiya ang korapsyon sa kanyang gobyerno, nakakahiya na rin ang kanyang pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan.
Milyon ang estudyante na ngayon ay nag-aalab laban sa administrasyong Arroyo. Indikasyong isinusuka na talaga ng taumbayan ang nagaganap na korapsyon na napipigil lang ang ilan kapag nabuko. ‘Yung mga hindi nabubuko, tuloy pa rin.
Galit na ang mga estudyanteng Pinoy at mararamdaman ‘yan sa matiyagang kilos-protesta ng mga estudyante mula sa mga kolehiyo at unibersidad.
‘Yun nga lang, dedma na rin si Pangulong Arroyo na ang laging linya ay siya ang Presidente ng Pilipinas. Walang kokontra, siya nga ang Presidente ng Pilipinas, pero hindi na maitatagong marami talaga siyang binigo.
Hanggang saan hahantong ang pag-aalab ng damdamin ng mga estudyante? Babalik na naman ba ang bansa sa nagdaang panahon, kung saan halos hindi na dumadalo sa klase ang mga estudyante, kundi sa mga kilos-protesta at mga demonstrasyon?
***
Zero-tolerance na ang Pinoy sa korapsyon. Sukang-suka na ang mamamayan sa kaliwa’t kanang kurakutan. Pero dedma pa rin ang gobyerno. Hirap pa rin ang Malacañang na sibakin sa puwesto, panagutin o distansiyahan man lang ang mga taong sangkot dito.
Nagkakampi-kampi pa sila sa pagtatakip. Sa imbestigasyon ng Senado sa broadband deal ng administrasyong Arroyo at ZTE at pagdukot kay Jun Lozada, nagkabulul-bulol na ang mga tagasunod ng Malacañang, huling-huli ang mga nagsisinungaling, pero nanaig pa rin ang kapalan ng mukha.
Humantong sa interfaith rally ang imbestigasyon, libu-libong raliyista ang nag-rally, pero nagawa pa ng gobyerno na tapatan sila ng pro-GMA, gamit ang P500 bayad sa bawat raliyista.
Sabi nga ng isang organizer, inatasan ng DILG ang mga kaalyadong barangay captain na maghakot ng tao sa Liwasang Bonifacio noong unang bugso ng rally.
Dumating ang “allowance” ng mga raliyista bago sila magpunta sa Liwasang Bonifacio, na-briefing din sila at ang pinakaimportanteng bilin -- ‘pag may nagtanong na taga-media huwag nilang aamining binayaran sila, sasabihin nilang sila ay kusang nagpunta sa Liwasang Bonifacio para sumuporta kay Pangulong Arroyo.
Malas na lang ang ibang raliyista dahil P200 hanggang P250 lang ang kanilang natanggap, nakurakot na kasi ang kalahati. ‘Yung iba naman, talagang hindi nakatanggap, hindi kasi na-moderate ang greed ng organizer, kinanya lahat ng kickback.