Patuloy ang pagsisinungaling at paglabag sa karapatang-pantao ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) maproteksyunan lamang ng mga ito si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ang puna ni Senator Francis ‘Chiz’ Escudero kaugnay sa operasyon ng AFP at PNP kamakalawa kung saan nagdeklara ang mga ito ng full alert status sa buong bansa.
Maliban dito, idinisplay ng AFP ang kanilang mga tangke at bata-batalyong sundalo na kinuha pa sa iba’t ibang kampo sa bansa para lamang proteksyunan si Arroyo.
Para kay Escudero, overacting at overkill ang ginawang paghahanda ng AFP na animo’y ipinamukha ng mga ito sa taumbayan na handa silang isakripisyo ang demokrasya huwag lamang mawala sa kapangyarihan si Arroyo.
“Overacting ang AFP sa show of tanks,” anang senador.
Bukod sa AFP, naghakot din ng puwersa ang PNP sa mga lalawigan para bantayan si Arroyo habang naghahanap ng katotohanan ang sambayanang Filipino sa interfaith rally sa Makati City.
Ang nakakadismaya pa umano sa lahat, habang naghahanap ng katotohanan ang taumbayan ay nagsisinungaling naman ang grupo ni PNP chief Avelino Razon.
Ito ay kaugnay ng sinasabi ni Razon na ang isinagawang checkpoint at chock point sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway.
“Sa PNP, lumabag sila sa karapatang-pantao sa pagharang sa mga nagnanais sumali sa rally at katatapos lang ng rally para sa katotohanan, nagsinungaling na naman. Regular at routine inspection lang daw ginawa nila eh halata naman na nais lang talaga nilang i-hassle ang mga participants mula sa loob at labas ng Metro Manila,” ani Escudero.
|