Makakadagdag sa problema ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang ipinatupad na panibagong oil price increase ng mga kumpanya ng langis na mistulang pinigil lamang at pinatapos muna ang interfaith rally bago inilarga.
Ito ang paniniwala ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño kasabay ang muling pagkalampag kay Mrs. Arroyo para iutos na nito ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law.
Ayon kay Casiño, posibleng pinahupa muna ng mga kumpanya ng langis ang ngitngit ng mga taong sumali sa interfaith rally sa Makati City noong Biyernes dahil pagkatapos na pagkatapos ng naturang pagkilos ay inilarga ang oil price increase.
Sinimulan ng Shell ang 50 sentimong price increase sa bawat litro ng mga produktong petrolyo kamakalawa ng madaling-araw na agad na sinundan ng Petron at Caltex kahapon ng umaga.
“Dadami pa lalo ang mga tao-konsyumer hanggang manufacturers at exporters na magagalit sa rehimeng Gloria dahil dito sa walang ampat na pagtaas ng presyo ng langis,” ani Casiño.
Naniniwala si Casiño na may magagawa ang Pangulo para makontrol ang presyo ng langis sa lokal na merkado sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, subalit halatang wala umanong interes si Arroyo na amyendahan ang nasabing batas gayong ang anak nito na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo ang chairman ng House committee on energy.
|