Tulad ng inaasahan, muling isinisi ng Malacañang sa media ang panibagong pagsadsad sa trust rating ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Ignacio Bunye na isa sa mga bagay na dapat isaalang-alang sa naging resulta ng survey ay ang mga negatibong ulat tungkol sa gobyerno na lumalabas sa media.
Sa nasabing survey ay lumalabas na tatlo sa apat na residente sa Metro Manila ay wala nang tiwala kay Arroyo at dismayado sa pamamahala nito.
Ayon naman kay Bunye, hindi na ikinagulat ng Palasyo ang resulta ng nabanggit na survey lalo pa at limitado lamang ito sa mga residente ng National Capital Region (NCR).
“We are not surprised sa resulta ng NCR dahil ito ang sentro ng media na, aminin natin o hindi, ay talagang hindi paborable ‘yung dating galing sa media,” katuwiran ni Bunye.
Base pa sa survey, naniniwala ang mayorya sa mga respondents na credible witness si broadband scandal starwitness Rodolfo ‘Jun’ Lozada sa kabila ng inilargang paninira sa pagkatao nito ng mga sumusuporta sa administrasyong Arroyo.
|