Kung gaano kalaki ang takot sa Lumikha ng isang bagitong miyembro ng Mataas na Kapulungan at pagsunod sa doktrina ng Bibliya para maging banal, ito’y kabaliktaran sa pag-uugali ng mga inarkilang staff dahil naglipana ang mga aroganteng tauhan.
Hindi naman ikinagulat ng mga naglipanang kurimaw sa Upper House ang paglipana ng mga aroganteng tauhan ng bagitong senador, kasunod ang pagkakadiskubreng ‘napirata’ lamang sa ibang opisina ang karamihan, nangunguna ang hindi kagandahang legal counsel nito.
Sa maikling panahon ng panunungkulan ng bagitong senador, nasaksihan ng TONITE Spy ang pagiging arogante ng mga inarkilang staff ng mambabatas, animo’y nabitbit ang masamang pag-uugali sa panahong nagtatrabaho sa opisina ng isang matapobreng lady solon.
Katulad ng kasabihang ‘mahirap ituwid ang matandang sanga’, muling napatunayang wala nang pag-asa pang mabago ang masamang pag-uugali ng mga dating staff ng matapobreng lady solon na ngayo’y naninilbihan sa tanggapan ng bagitong senador matapos lantarang ipakita sa publiko ang pagiging arogante ng mga ito.
Sa kainitan ng malaking eskandalong iniimbestigahan ng Upper House, nang-agaw ng eksena ang hindi kagandahang legal counsel ng bagitong senador matapos umastang Senate President kung magbigay ng direktiba sa mga resource person gayong simpleng utusan lamang ang trabaho sa opisina ng kanyang amo.
Maging ang handler ng mga iniimbitahang resource person, hindi naitago ang madismaya at mapikon sa mga aroganteng tauhan ng bagitong senador, sa pangunguna ng hindi kagandahang legal staff at isa pang abogado ng solon dahil daig pa ang isang senador kung magsalita sa mga ito.
Napag-alaman pang hinaharang ng hindi kagandahang legal counsel ng bagitong senador ang mga desisyon ng kanyang amo kung kaya’t sukdulan hanggang Pateros ang pagkapikon ng mga resource person at nagmamasid sa imbestigasyon dahil pinababayaan ang mga testigo nito.
Bago pa man lumawak ang imbestigasyon sa isang eskandalo, naunang inireklamo ang mga aroganteng tauhan ng bagitong senador, partikular ang hindi kagandahang legal counsel dahil pinapangunahan ang mga senador sa desisyon at pinapakialaman ang aksyon ng mga ito.
Clue: Kapalit ang pag-abandona sa kaibigan, nabiyayaan ng sensitibong komite sa Upper House ang bagitong senador. Kung sino ang hindi kagandahang legal counsel, panoorin ang bawat interbyu sa kanyang amo, ito’y merong letrang “S†sa pangalan, as in Sanay mag-posing sa camera kung kaya’t nakunan itong natutulog sa public hearing.