Isinilang sa Sala (ngayo’y Bugallon), Pangasinan noong Agosto 28, 1837 si Jose Torres Bugallon at nag-aral ng military organization and warfare sa Toledo, Spain. Pagkatapos ng Treaty of Paris noong Disyembre 10, 1898 ay sumama kay Gen. Antonio Luna at naging aide-de-camp ng heneral. Siya ang namuno sa mga sundalong Filipino sa Battle of La Loma at dito namatay sanhi ng tama ng punglo sa paa noong Pebrero 5, 1899.
***
Tubong Calapan, Mindoro at ipinanganak noong Marso 10, 1869 si Macario Adriatico. Tumulong siya sa mga rebolusyonaryong Filipino mula sa Batangas para mabawi ang Calapan sa kamay ng mga Kastila noong Hulyo 21, 1898. Matapos ang liberasyon ng lalawigan ng Mindoro, inorganisa ni Adriatico ang isang puwersa para bawiin naman ang Romblon mula sa mga Kastila.
***
Ipinanganak sa Maguindanao noong 1851, pinagkaisa ni Sultan Kudarat ang mga angkan ng Muslim sa Cotabato, Lanao at Basilan at kanyang pinamunuan ang mga ito sa loob ng 50 taon. Kanyang pinangunahan ang maraming pagsalakay at pakikidigma laban sa mga Kastila simula 1634 hanggang 1637. Taong 1637 ay natalo siya sa digmaan subalit nagawang makatakas bagama’t sugatan. Muling namuno sa pakikidigma noong 1655 hanggang 1668. Siya ang nagsilbing inspirasyon ng mga Maranao upang tutulan ang pagtatayo ng mga Kastila ng kuta malapit sa Lake Lanao. Bago pumanaw noong 1671, ipinagbilin ni Sultan Kudarat sa kanyang mga tagasunod na makipagkasundo na sa mga Kastila.
***
Si Anacleto del Rosario na isinilang noong 1860 sa Sta. Cruz, Maynila, ang
pangunahing Filipino chemist noong panahon ng mga Kastila at kinikilala bilang “Father of Philippine Science and Laboratory”. Ang kanyang formula sa paggawa ng purong alcohol mula sa tuba ay nagwagi ng unang gantimpala sa World Fair na ginanap sa Paris noong 1881.
***
Hinirang ni Gen. Emilio Aguinaldo bilang Madrina-General de las Fuerzas Revolucionarios (Matriarch-General of the Revolutionary Forces) noong Hunyo 12, 1898 si Glicera Marella y Villavicencio. Si Glicera at ang kanyang asawang si Eulalio ay tumulong ng malaki para suportahan ang Propaganda Movement. Matapos pumanaw ang asawa, ipinagamit ni Glicera ang kanilang tahanan sa Taal, Batangas bilang headquarters ng mga rebolusyunaryong Filipino. Kinilala ni Aguinaldo ang kanyang mga naitulong sa mga rebolusyunaryong Filipino at hinirang si Glicera bilang Madrina-General.
|