Isang binatang emcee sa isang bar sa Quezon City ang nasugatan sa ulo nang balibagin ng bote ng serbesa matapos umanong mapikon ang isang grupo ng mga nag-iinuman na kanyang inokray kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang biktima na si Edison Calagtong, 30, samantalang naaresto naman ang isa sa apat na kalalakihang kabilang sa naturang grupo na si Paolo Castro, 24, binata at residente ng Road 20, Project 8, Quezon City.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na naganap ang insidente kahapon ng madaling-araw sa harap ng Decades Bar sa Roces Avenue, Bgy. Laging Handa kung saan napikon umano ang grupo ng suspek sa pang-ookray sa kanila ni Calagtong.
Nagkaroon ng pagtatalo hanggang nambalibag ng mga bote ng serbesa ang grupo ng suspek. Nakarating umano ang gulo hanggang sa labas ng bar kung saan isang kotse pa ang natamaan sa pagbabatuhan at nabasagan ng salamin.
Mabilis na nakatakbo ang tatlong kasamahan ng mga suspek kaya ito lang ang nadakip ng mga kawani ng nasabing bar.
|