Sinugod ng saksak at pinabagsak ng isang 15-anyos na binatilyo ang isang 18-anyos na binata na kanyang nakaasaran kamakalawa sa Maynila.
Dinala sa pagamutan kung saan nilapatan ng lunas ang tinamong sugat matapos saksakin ng matulis na bagay ang biktima na nakilalang si Mark Jovit R. Marquez, 18-anyos, walang trabaho at nakatira sa 1447 Juan Luna St., Tondo, Maynila.
Sa kabutihang palad ay hindi naman napuruhan pero tinatayang aabutin pa rin umano ng 12 araw bago gumaling ang tinamong sugat ng biktima.
Pansamantalang inimbestigahan at kalaunan ay isinuko sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor-de-edad at out-of-school youth na suspek na sadyang hindi na pinangalanan.
Sa ulat ng Manila Police District-Station 7, dakong alas-11:50 kamakalwa ng gabi ng mangyari ang insidente sa Juan Luna St. malapit sa kanto ng Fajardo St. sa Tondo.
Napag-alaman na magkalugar lamang umano ang biktima at suspek at habang nasa kainitan ng buskahan at asaran napikon umano ang bagets at sinaksak ng matulis na bagay ang binata. Agad namang naawat ang suspek at dali-daling isinugod sa pagamutan ang biktima. Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek pero dahil sa menor-de-edad pa ito ay hindi naman ikinulong alinsunod na rin sa umiiral na batas.
|