June 28, 2008 - Saturday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
SPORTS NEWS


Pacquiao titigil sa edad 30?
Zaldy Perez
 
Nito lamang nakaraang Biyernes isang nakakakabang detalye tungkol kay Manny Pacquiao ang naikuwento ng isang matalik na kaibigan at kumpadre na si Atty. Adin Abillar sa Laykdatan.
Bagama’t attorney, masasabi kong hindi mo siya mapaglalangan pagdating sa mga kuwento kung boxing ang pag-uusapan lalo na at tungkol kay Pacquiao.
Ang Laykdatan mismo ang nakasaksi kay Atty. Adin na sa oras na matapos ang aming trabaho bilang deskman sa programang Money Matters nakikita ko na siyang nag-i-internet at nagbabasa ng mga istorya tungkol sa boxing.
Kamakalawa nga tinawag niya ang aking attention at nagtatanong kung bakit hindi na-carry ng mga peryodiko ang statement na binitiwan ng trainer na si Freddie Roach sa isa sa mga press confe­rences tungkol sa laban ni Manny at David Diaz bukas sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Sinabi umano ni Roach sa presscon na kung siya ang tatanungin pagreretiruhin niya si Pacquiao kapag sumapit na siya sa gulang 30 o sa katapusan ng taong 2009.
Hindi nag-elaborate umano si Roach tungkol dito, pero ayon kay Atty. Adin 30-years-old na si Pacquiao sa darating na buwan ng Disyembre at kung susundin ni Manny si Roach baka ang laban niya sa British boxer na si Hatton ang maging huli ni Pacquiao.
Malikot ang takbo ng isip ng aking kumpare tungkol sa maikling statement na iyon ni Roach at nagdududang baka may nararamdaman na ring hindi maganda si Pacquiao sa kanyang katawan na hindi lamang isinasapubliko.
Isipin nga naman natin na nasa prime ng kanyang career si Pacquiao at ang pagreretiro ay maa­ring wala sa isip niya sa kasalukuyan, pero sa bugbog ng katawan na inabot niya sa mga nakaraang laban maaring nakakaramdam na rin siya ng hindi maganda.
Anyway, just to give you a short background, ito palang si Roach ay pinagretiro ng isa pang legendary trainer na si Eddie Futch sa gulang na 31 or 32 years old.
Hindi naibigan ni Roach ang suhestiyon sa kanya ni Futch kaya pinalitan niya ito at iti­nuloy ang kanyang pagboboksing sa, sumunod na apat na taon.
Pero matapos na magkahiwalay na sila ni Futch pawang talo ang inabot ni Roach sa kanyang mga laban at sa sandaling naisip na niya ang retirement eh, doon na rin nag-manifest ang kanyang Parkinson’s desease.
Marahil sa tagal ng pinagsamahan na rin ng dalawa maaring napamahal na si Manny kay Roach kaya ayaw niyang danasin ng paborito niyang estudyante ang dinaranas na sakit niya sa kasalukuyan.

 


Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES