Lumapit ang Quezon City sa kasalukuyang overall leader na Manila team nang makasalok sila ng tatlong ginto kahit pa nasungkit ni Gabriel Lorenzo Castelo ng Pasig City ang dalawa pang gold medals kahapon sa NCR Leg ng 3rd Philippine Olympic Festival sa Rizal Swimming Pool.
Ibinigay nina Alberto Batungbacal, Anna Dominique Bartolome at Jasmine Veronica Ong ang nga ginto para sa Mayor Sonny Belmonte-backed QC bets.
Naghari si Batungbacal sa 200m individual medley (11-12 years old boys) sa oras na dalawang minuto at 50.13 segundo; si Bartolome ay dinomina ang 200m IM (11-12 years girls) sa oras na 2:57.46; habang si Ong ay nanaig sa 200m IM (13-14 years old girls) sa loob ng 2:44.73 upang makapantay ng QC ang Manila sa kabuuang seven-gold haul sa swimming.
Impresibo naman ang ipinakita ng 13-anyos na si Castelo sa kanyang pagkinang sa 200m IM (2:23.23) at 200m butterfly (2:24.22) upang iakyat sa apat ang kanyang gold medal tally kasama ang naunang pamamayagpag sa 400m IM at 100m freestyle.
“I hope I could win more,” ani Castelo, na may dalawang silver medals sa 100m back stroke at 1,500m free kung saan mayroon din siyang “triple A” results sa 100m free, 200m IM at 200m butterfly.
Makaraan ang anim na gintong nabingwit sa Day 1 ng swimming, nagkasya na lamang ang Manila sa isang gold medal finish mula kay Withney Dy, sa 200m IM sa girls 15 years old and above division (2:38.44).
Ang defending NCR Leg at National Finals champion na Manila ay bumawi naman ng dalawang golds sa chess mula kina Kenneth Baltazar (14-and-under section) at Ma. Cristina Ormacido (Open section).
|