Laro ngayon:
(Rizal Baseball Stadium)
7:00 a.m. – Makati vs Batangas
10:30 a.m. – Manila vs Antipolo
2:00 a.m. – Taguig vs Cebu
Patitibayin pa ng Cebu Dolphins, Batangas Bulls at Forward Taguig Patriots ang kani-kanilang mga kampanya para sa ikalawa at huling automatic semifinals berth sa pagpapatuloy ngayon ng naunsyaming aksyon sa Baseball Philippines Series 3 noong isang linggo sa Rizal Baseball Stadium.
Ang Dolphins, na nasa second place sa tangang 6-3 slate, ay makakatipan ang Patriots, kasalukuyang nasa third spot kapantay ng Bulls sa 6-4 mark, sa main game ng alas-dos ng hapon kung saan ang makakaligtas ay mas lalapit pa sa pagsungkit ng No. 2 spot.
Mas pinapaboran naman ang Batangas sa alas-siyete ng umaga nilang engkuwentro ng Makati Mariners, ang pilot series champions na may nakakadismayang 1-9 record.
Hawak na ng Manila Sharks ang unang semis berth nang magwagi sa huling salang tungo sa 9-1 card.
Nag-iinit ang Batangas, sa naipong 33 runs sa huling 14 innings, kabilang ang 19-0 rout sa Antipolo noong isang linggo ngunit kinakailangan pa ring mag-ingat sa Mariners, na kagagaling lamang sa 9-7 panalo laban sa Dumaguete Unibikers.
Puwersado ang Makati batters na ma-sweep ang kanilang huling dalawang laro at umasang matatalo ang Pilgrims sa kanilang mga nalalabing assignments upang makahirit ng playoff para sa huling berth sa susunod na round.
Subalit maaaring sipain na ng Antipolo sa kontensyon ang Makati kung magagawa nilang pataubin ang Manila sa kanilang sagupaan sa alas-10:30 ng umga.
|