Dear Tita Nora,
Simple lang naman po ang problema ko pero nakakaapekto.
‘Yung girlfriend ko kasi na mas bata sa akin ay parang malabo ang pagkatao.
Panay ang text niya sa akin. Sinasabing mahal ako pero takot naman pag kaharap ako.
Hindi ko alam kung totoo ba ang sinasabi niya. Magkaiba kasi ang mga text niya sa akin sa totoong kilos niya pag magkasama kami. Para tuloy hindi totoong mahal niya ako. Ano po ba ang gagawin ko? Tingin n’yo po ba’y mahal niya ako?
Mackoy
Dear Mackoy,
Hindi ko maaaring pangunahan o husgahan ang totoong nararamdaman sa iyo ng girlfriend mo. Maaaring totoo ang nararamdaman niya at sa ‘text’ lang niya nai-express. Maaaring medyo nag-aalangan pa siya o nahihiya, o kung di man ay baka hindi naman siya ang totoong nagte-text sa iyo.
Pero dahil ikaw ang boyfriend niya at personal na nakakaharap at nakakasama, tingin ko’y ikaw ang higit na makakasagot sa tanong mo, iho.
Kung ganyang may pagdududa ka sa mga mensahe niya at diskumpiyado sa saloobin niya sa iyo’y makiramdam ka muna. Hayaan mo munang maging close pa kayo at maging pamilyar sa isa’t isa. Kilalanin mo muna siya nang husto at talasan din ang ‘intuition’ mo.
Good luck and God bless you.
Love,
Tita Nora