June 28, 2008 - Saturday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Repasuhin na rin ang PCG, PPA, MARINA
Jun Bautista


Kung nakalusot o pinalusot ang Sulpicio Lines sa pagkakasangkot ng mga barko nito sa mga nakaraang aksidente sa dagat, pala­gay ko’y talagang sabit na ito sa M/V Princess of the Stars. Ito’y dahil sa dala nitong 10 tonelada ng nakakalasong (sa tao) pesticide, ang Endosulfan. Ito’y para sana sa taniman ng pinya ng Del Monte sa Bukidnon. Ito rin ang dahilan kung bakit pinatigil muna ang retrie­val operations d’un sa nakataob na barko, dahil delikado ang pesticide sa mga di­vers. Isiping ang mga di­vers ngayon ang kailangan ma-eksamin muna kung sila’y naapektuhan ng nakakalasong kemikal. At kung sinasabi man ng mga dalubhasa na walang epekto sa tao ang kumain ng isda na maaring nakakain ng mga biktima ng bagyo, otra cosa ang isdang naapektuhan ng Endosulfan.
Sa bagay na ito, mas marami ang dapat usisain maliban sa kung bakit sakay ng isang passenger ferry at hindi cargo ship itong Endosulfan, na dapat ay may label na “toxic” o “poiso­nous”. Halimbawa, bakit pinapayagan pa itong gamitin sa taniman ng pinya ng Del Monte at Dole, gayong ipinagbabawal na ito sa buong Europe at iba pang bansa? Kung ito’y nakalalason sa tao, bakit ini-spray sa kinakain ng tao? Ang Fertilizers and Pesticides Authority (FPA) ang dapat sumagot nito. Kung sabagay, wala na yatang bago sa pagiging tambakan ang ‘Pinas ng mga kemikal o gamot na ipinagbabawal na sa ibang bansa.
***
In fairness, hindi naman nakabunton ang lahat ng kasalanan sa Sulpicio Lines o iba pang shipping lines, tuwing nagkakaroon ng trahedya sa dagat. Hindi na kailangan i-memorize na may pagkukulang din ang MARINA, Phil. Ports Authority (PPA), at Phil. Coast Guard (PCG). Totoong kulang sila sa pondo, gamit, at tauhan, lalo na ang PCG. Totoo ring may kanya-kanya silang palusot, ang patay-ma­lisya sa kargamento, sa overloa­ding, sa pag-iinpeksyon ng mga barko, atbp. Kaya naman dahil atat na atat ang Kongreso na imbestiga­han itong pinakahulking trahedya sa karagatan, dapat lang sigurong pagtuunan na nila ng pansin ang ilang panukalang batas na magsasa-ayos ng papel ng 3 ahensyan­g nabanggit ko sa itaas.
Halimbawa, nariyan ‘yong Coast Guard reorganization Bill ni Sen. Chiz Escudero, na magpapatibay sa PCG. Sa ngayon, ito’y nakakabit sa DOTC dahil sa isang Exec. Order, at “civilian” kuno. Nais ni Escudero na ito’y maging permanente at unipormadong ahensya, na siyang mamamahala sa kaligtasan sa mga biyaheng pangdagat, at dagdag na kapangyarihan sa pagpapatupad ng mga batas na may kinalaman sa pangingisda, immigration, smuggling, at iligal na kargamento tulad ng illegal logs, firearms and explosives, at human cargo. Siyempre pa, kinakailangan madagdagan ang mga barko nito at ma­kabagong gamit sa komunikasyon. Isipin nga namang ang PCG ay mayroon lang mga 5,000 tauhan na dapat mangalaga sa 7,100 mga pulo sa ‘Pinas.
Nariyan rin ‘yong hinihingi ni Sen. Biazon na magkaroon na ng independent na National Transport Safety Board, na siyang masusing mag-iimbestiga ng seryosong aksidente sa dagat, ere, at lupa.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES