Kahit saan ka pumunta, usap-usapan ang trahedyang sinapit ng may 800 pasahero ng M/V Princess of the Stars na pag-aari ng Sulpicio Lines at ano bang kapangyarihan ang nasabing kumpanya na hanggang ngayon ay hindi pa rin napaparusahan.
Huwag sanang ipaghintulot ng Diyos pero kung aabot sa 700 ang namatay sa M/V Princess of the Stars ay lagpas na sa 5,000 pasahero ang namatay sa apat na barko ng Sulpicio Lines na nadisgrasya sa loob lamang ng 21 taon.
Mahigit daw 4,000 ang namatay nang lumubog ang M/V Doña Paz noong December 20, 1987; 250 naman nang madisgrasya ang M/V Doña Marilyn noong October 24, 1988 at 150 nabawian ng buhay noong September 18, 1998 nang lumubog naman ang kanilang barkong M/V Princess of the Orient habang tinatayang 700 naman ang namatay sa M/V Princess of the Stars.
Pansinin niyo, dalawang M/V Princess na ang lumubog sa barko ng Sulpicio at dalawa na rin ang M/V Doña at lahat ay lumubog dahil umalis sa gitna ng bagyo.
Mukhang malas ang Sulpicio sa pangalang M/V Doña at M/V Princess. Suggestion lang, ano kaya huwag na lang nilang gamitin ang mga nabanggit na pangalan sa kanilang barko?
Puwede naman siguro ang pangalan ng mga Santo para gabayan ang kanilang paglalakbay at kailangan huwag silang lumarga kapag alam nilang may paparating na bagyo. Sintido kumon lang naman iyan eh.
Baka kasi kapag sinuwerte ang Sulpicio Lines at malusutan na naman ang trahedyang ito, baka tuluyan na silang iwasan ng mga pasahero.
Matatakot na ang mga tao na sumakay kapag ang pangalan ng barkong kanilang sasakyan ay may “princess” o kaya “doña”.
Pero ang labis kong ipinagtataka, sa kabila ng mga trahedyang sinapit ng mga barko ng Sulpicio Lines, buhay na buhay pa sila ha. Wala man lang yatang parusang natanggap.
Suwerte niyo naman! Ano bang mayroon kayo?
|