Isa na namang malaking kabulastugan ng mga nasa gobyerno ang bumulaga sa sambayanang Filipino matapos maganap ang isa pang trahedya sa karagatan.
Ang mga nabubulok na communications equipment na kung tawagin ay Global Maritime Distress Signal System o GMDSS na nagkakahalaga ng 1.2 billion pesos.
Kung gumagana lamang ang mga kagamitang ito, ayon kay Vice Admiral Wilfredo Tamayo ng Philippine Coast Guard (PCG), maaring naiwasan ang nangyari sa M/V Princess of the Stars.
Mula noong 1999 nang dalhin sa bansa ang mga kagamitang ito at ikalat sa 19 na Coast Guard stations... ni minsan ay hindi napagana o napakinabangan ang communications equipment na ito.
Ang kontrata ay “kinumisyon” ng Bureau of Telecommunications ng DOTC mula sa isang French Company (GSE Thompson) para maiwasang maulit ang mga trahedya tulad ng M/V Doña Paz, MV Doña Marilyn at M/V Princess of the Orient.
At dahil hindi man lang nakonsulta ang PCG sa mga naturang kagamitan, ang proyekto ay napabilang sa mahabang listahan ng mga “white elephant” ng Pilipinas.
At ang sumunod ay ang mas mahabang listahan ng mga trahedya sa karagatan.
***
Ganito rin ang nangyari sa ambisyosong proyektong “Telepono sa Barangay” na umubos ng mahigit 7 bilyong pisong pondo ng bayan.
Ang Bataan Nuclear Power Plant sa Bataan, ang Centennial Expo sa Pampanga at iba pang pinag-aksayahan ng napakalaking kayamanan ay patunay lamang na hindi pulubi ang mga Filipino.
Hindi tayo pulubi, pero sa tuwing lalabas ng bansa ang mga nagiging Presidente ng Pilipinas... ang hanap ay “grants and aides” at mga “loans” o pangungutang at panlilimos ang ginagawa sa ibang bansa.
Walang pinagkaiba sa isang tipikal na pamilyang Filipino na nakatira sa Payatas. Pagbubungkal ng basura ang hanap-buhay pero kumpleto ng DVD player, audio system, microwave oven, computer at iba pang luho sa buhay.
Bukas ay laban ni People’s Champ Manny Pacquiao, kaya’t ang ating mga taga-hingi ng limos sa abroad ay manunood ng laban ng “Live” sa Mandalay Bay sa Las Vegas.
Kailangan daw ng “moral support” ni Manny kaya sila nanduon. Sana ay isunod kaagad nila ang moral support sa “many Filipinos” na sinalanta ng bagyong si Frank.
***
Habang manunood pa ng boksing bukas ang marami sa ating mga kagalang-galang, ang mga Amerikanong sakay ng USS Ronald Reagan ay abala na noon pang Huwebes sa pagtulong sa mga sinalanta ng bagyo sa Iloilo.
Dahil sa “nuclear powered” na damdaming makatulong, naiwan sa Hong Kong ay may isang libong sailors ng naturang barkong pandigma sa kakamadaling pumunta ng Pilipinas.
Samantalang ang mga “de-kalburong” damdamin ng ating mga “iginagalang at pinagpipitaganang opisyal” ay dinaig ng shopping at boksing.
Nakuntento at nasiyahan na sa patele-teleconference at pa-video video conferencing habang pa-photo photo ops at panay ang pa-pogi lamang ng kanilang mga iniwan dito.
Kung totoong “Act of God” ang nangyari sa Princess of the Stars, gaya ng sinasabi ng mga opisyal ng Sulpicio Lines...
Sino naman kaya ang may gawa ng ganitong uri ng mga Public Servants?
gerrybaja@yahoo.com
|