June 28, 2008 - Saturday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Solons uulanin ng mura sa laban ni Pacman
Bernard Taguinod/Rose Miranda/Eralyn Prado
 

Pinayuhan ng isang kongresista ang kanilang mga kasamahan sa Kongreso na manonood sa laban nina Manny Pacquiao at David Diaz sa Las Vegas, Nevada na huwag nang magpakita o umiwas sa camera dahil tiyak na uulanin sila ng mura ng kanilang mga kababayan.
“Payong kapatid lang, huwag kayong magpakita sa telebisyon dahil siguradong mumurahin kayo na hindi n’yo alam,” ang payo ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño.
Ipinaliwanag ni Casiño na posibleng puro mura ang aabutin ng mga mambabatas na ito kapag nai-flash sa screen ng telebisyon ang kanilang pagmumukha lalo na ang mga mambabatas na kabilang sa mga distritong sinalanta ng bagyo.
Pinakiusapan din ng mambabatas ang kanyang mga kasamahan na huwag na huwag silang umakyat sa ring kapag nanalo si Pacquiao dahil tiyak na hindi ito magugustuhan ng mga Filipino.
“Huwag naman sanang mangyari pero kapag natalo si Pacquiao, tiyak na lalong magagalit ang mga tao sa mga congressman na nanood sa kanyang laban,” dagdag pa ni Casiño.
Base sa ulat, umaabot sa 59 congressmen ang sumama sa biyahe ni Arroyo sa Amerika kung saan ang isa sa mga layunin ng mga ito ay mapanood nang personal ang laban ni Pacquiao.
Samantala, hindi tulad ng mga kongresista, boboykotin ni Pangulong Arroyo at mga miyembro ng gabinete na kasama nito sa US trip ang laban ni Pacquiao.
Sa text message mula sa Washington,  sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza na mula sa Washington ay tutuloy na sa pag-uwi ng Pilipinas ang official delegation ni Pangulong Arroyo at inaasahan ang pagbalik ng mga ito sa NAIA Terminal 3 ngayong Lunes, Hunyo 30.
Ayon sa Kalihim, wala siyang impormasyon kung may miyembro ng gabinete na manonood ng laban sa Las Vegas dahil lahat sila ay didiretso na sa pag-uwi sa bansa upang personal na ma-monitor ang pinsalang dulot ng bagyong Frank.
Sa kabila nito, tiniyak ni Dureza na solido ang suporta nila kay Pacquiao kahit na hindi personal na makapunta sa Las Vegas upang mapanood ang laban nito.
Sa kabilang dako, hinamon ni Manila Rep. Bienvenido Abante ang liderato ng Kamara na ilabas ang listahan ng mga kongresistang nakiangkas sa US trip.
Sinabi ng kongresista, kahit personal o galing man sa kani-kainlang bulsa ang ginastos ng mga kongresista sa naturang biyahe, karapatan pa rin ng publiko na malaman kung sinu-sino ang mga ito.
“Bakit kailangan itago kung sinu-sino ang mga sumama, in the spirit of transparency dapat ilabas nila ‘yan”, diin pa ni Abante.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES