Sinabi kahapon ng Malacañang na wala silang kasalanan sa nakaambang na panibagong oil price hike simula ngayong araw na ito at sa nakabinbin pang fare hike petition ng bus at taxi.
Sinabi ni Presidential Management Staff chief, Secretary Cerge Remonde na hindi ngayon ang panahon ng sisihan at pagbabatuhan ng putik dahil buong mundo naman, aniya, ang nagsasakpripisyo dahil sa hindi mapigil na pagtaas ng presyo ng langis.
Aniya, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang maibsan ang paghihirap ng bawat sektor ngunit muli itong nanawagan sa publiko na magsimula nang magtipid sa enerhiya bilang kontribusyon sa kasalukuyang sitwasyon.
“It is the whole world that is suffering. What the government could, President Arroyo would… Finger pointing and mudslinging will not do us any good. Let us all conserve energy and save. The savings of every Juan is the savings of the entire country,” ani Remonde.
Ngayong araw ay ipapatupad ng Pilipinas Shell ang P1.50 bawat litro na pagtaas sa fuel products na ika-17 beses na pagtataas nito sa mga nakaraang buwan.
Bukod dito ay inihula rin ng kumpanya na patuloy ang magiging pagtaas sa fuel products hanggang Agosto at hindi nila batid kung kailan ito titigil at kung hanggang magkano ang susunod na mga pagtaas.
Ipinauubaya naman ng Malacañang sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon sa dagdag-pamasahe ng bus at taxi sectors na pumapalo sa karagdagang P4 at P10, ayon sa pagkakasunod.
Sa Kamara, bagama’t binabalewala ni Pangulong Arroyo ang panawagan para suspendehin ang Value Added Tax (VAT) sa langis, hindi pa rin ito isinusuko ng mga militanteng kongresista.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Liza Maza, hindi pa rin titigil ang kanilang mga kinakatawan sa Kamara sa sinimulang kilos protesta tulad ng noise barrage at pangangalap ng lagda laban sa VAT.
“Hangga’t hindi tayo pinakikinggan, hindi tayo titigil. Eto (pag-alis o pagsuspinde sa VAT) na lamang ang natitirang paraan na alam namin para hindi gaanong masakit ang impact ng oil price hike sa international market,” ani Maza.
|