June 28, 2008 - Saturday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Sulpicio lalong nadikdik sa lason
Boyet Jadulco, Rey Marfil, Bernard Taguinod at Rose Miranda
 

Lalo pang nagkasabit-sabit ang Sulpicio Lines makaraang mabunyag na may kargang sampung metriko tonelada ng nakalalasong pesticide sa lumubog na pampasaherong M/V Princess of the Stars.
Kahapon, iginiit ni Sen. Mar Roxas sa Sulpicio Lines na magpaliwanag sa Senado kung bakit ikinarga ang sampung metriko tonelada ng hazardous at restricted pesticide sa kanilang pampasaherong barko.
Ayon kay Roxas, kailangan ding ipaliwanag ng kumpanya kung bakit nakalusot ang highly res­tricted cargo mula sa mga kamay ng Bureau of Customs, Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“Irresponsible firms and persons have no right to do business in the Philippines. The Senate will demand from our maritime, environment and customs authorities all documents and information pointing to how Sulpicio Lines recklessly handled such hazardous cargo and bull-headedly went against common sense by sailing into rough seas,” pagdidiin ni Roxas.
Kahapon, itinigil ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagrekober sa mga bangkay sa loob ng M/V Princess of the Stars matapos matuklasan na may kargang pestisidyong Endosulfan ang barko. Anumang direktang kontak sa naturang pestisidyo ay maaaring ikalason o ikamatay ng mga diver dahil sa isa itong “neurotoxin” at “endocrine disruptor”.
Sinabi ni Roxas na ang Endosulfan ay ipinagbawal na sa maraming bansa ka­tulad ng European Union at Cambodia at ang paggamit nito sa ating bansa ay restricted lamang sa dalawang malaking pineapple plantations.
Hindi umano dapat isakay sa isang pampasaherong barko ang ganitong uri ng kemikal.
“The incident reeks of sheer irresponsibility on the part of the ship owner, and may even point to the negligence of our authorities. We will make its owners and officers attend the Senate investigation, even if it will entail force. We owe this to hundreds of victims and their bereaved families,” ani Roxas.
Kaugnay nito, pinakilos ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang pamunuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na agad ipagbawal ang paghuli at pagkain ng isda mula sa karagatan ng Sibuyan Island, Romblon na pinag­lubugan ng M/V Princess of the Stars.
Ikinakatakot ni Zubiri ang posibleng leakage sa barko at magdulot ng massive fish kill kung saan malalagay sa balag ng ala­nganin ang kalusugan ng mga mamamayan at residente ng Romblon.
Aniya, dapat masusing imbestigahan kung sino ang dapat managot sa mga opisyal ng Sulpicio Lines at Philippine Coast Guard (PCG) sa pagkarga ng nakalalasong pestisidyo sa naturang barko.
Nauna nang ipinag-utos kahapon ng Malacañang ang pagkontrol at mabilis na pagkuha sa 40-ft container van na sinasabing naglalaman ng nakalalasong kemikal sa loob ng lumubog na barko.
Sa text message ni De­puty Presidential Spokesman at National Disaster and Coordinating Council (NDCC) Executive Director Anthony Golez, ipinag-utos din umano ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa NDCC na manguna sa pagkontrol sa sitwasyon habang inatasan ang Department of Health (DOH) na magkaloob ng health education at service sa mga lokal na residente upang mailayo ang mga ito sa anumang karamdaman na maaaring idulot ng naturang kemikal.
Inaprubahan din ni Pangulong Arroyo ang desisyon ng NDCC at Task Force M/V Princess of the Stars na pansamantalang ipatigil ang retrieval opera­tion dahil sa nadiskubreng lason.
Sa Kamara, sinabi naman ni Iloilo Rep. Jeanette Garin na posibleng matagal na aniyang ginagawa ng mga pampasaherong barko ang ilegal na pagdadala ng mga ganitong kadelikadong kargo para makadagdag sa kanilang kita at bumawi sa kanilang gastusin dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES