Nanawagan ang isang mambabatas sa taumbayan at sa media na bantayang mabuti ang mga tulong pinansiyal ng international community para sa mga biktima ng bagyong Frank.
Ang panawagan ay nagmula kay CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva na nagsabing delikado kasi sa kamay ng mga corrupt government officials ang mga dumating at darating pang mga tulong mula sa mga karatig-bansa.
Nangangamba ang kongresista dahil hindi lamang isang beses nangyari na ang tulong pinansiyal ng international community sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad sa bansa ay hindi nakarating sa mga totoong biktima.
Kami man ay naniniwalang maaring mangyari ang senaryong ito, dahil sa maliliit na proyekto nga sa gobyerno ay nangyayari ito paano pa ang tulong mula sa international community na walang accountability?
Batid nating napakahirap ng papel na gagampanan ng taumbayan at ng media sa usaping ito pero hangga’t pare-pareho tayong gising at manonood sa anumang kaganapan sa ating gobyerno lalo na isyu sa tulong pinansiyal ng international community, naniniwala kaming maiiwasan kung hindi man ay mapipigilan ang anumang pagtatangka ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Kailangang matuto tayong kumondena sa kamalian ng mga opisyal ng gobyerno dahil sa ganitong paraan lamang natin matutulungan ang mga biktima ng kalamidad, ang ipaglaban ang kanilang karapatan at kung ano ang para sa kanila.
|