Sa likod ng rehas na bakal nasadlak ang isang binata matapos na mistulang napraning at iginapos ang natutulog na nakababatang kapatid saka hinostage nang magising sa loob ng kanilang bahay kahapon ng umaga sa Malabon City.
Wala pa sa katinuan habang nakakulong sa Malabon Police Station ang suspek na kinilalang si Roden Magno, 22-anyos at naninirahan sa Block 3, Kadima, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod.
 |
Hijackers nalambat --- Iniharap ni Chief Supt. Pedro Tango ang pitong lalaki na nasakote matapos i-hijack ang isang trailer truck na naglalaman ng mga yero sa kahabaan ng Dagat-Dagatan Avenue, Caloocan City. (Chris Villarin) |
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-siyete ng umaga nagising na lamang ang kapatid ni Roden na si Roger, 20-anyos, habang nakagapos sa loob ng kanilang bahay at nasa kanyang tabi ang suspek na may hawak na kutsilyo.
Dahil sa pagkabigla, tinangkang kumawala ni Roger ngunit pinalo siya ni Roden ng kahoy sa kaliwang kamay at pinagbantaang sasaksakin ng hawak na kutsilyo kapag tumakas.
Ilang kapitbahay ang nakaalam sa nangyayari sa loob ng bahay ng magkapatid at agad na humingi ng tulong sa mga barangay tanod.
Habang kinakausap ng mga kapitbahay ang suspek nagawa namang makawala ni Roger at mabilis na nagtatakbo palabas ng bahay.
Sinamantala ito ng mga tanod at pinasok ang bahay subalit nakuhang umakyat ni Roden sa bubong at pinagbabato ang mga dadakip sa kanya. Sa kabila nito, nasakote pa rin siya ng mga tanod na nag-akyatan din sa bubong.
Sa panayam ng TONITE sa ilang kapitbahay ng magkapatid, napag-alaman na matagal na umanong tambay ang suspek at ang nakababata nitong kapatid na si Roger ang bumubuhay sa kanya.
Wala naman umano silang alam na gumagamit ang suspek ng droga at maging ang kapatid nito ay nagulat sa inasal ni Roden kahapon ng umaga. Hinihinalang naburyong na ang suspek dahil sa kawalan ng hanapbuhay at ang nakababatang kapatid ang pumapasan ng responsibilidad para buhayin siya.
|