June 24, 2009 -Wednesday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
ENTERTAINMENT
 

Megan, nagmukhang TH na starlet

‘Revenge of the Fallen’ kulang sa excitement

 

ISA sa pinakahihintay na pelikula sa taong ito ang Transformers: Revenge of the Fallen, ang follow-up sa 2007 blockbuster Hollywood flick na Transformers.

Dalawang taon matapos ang mga kaganapan sa unang pelikula, papasok na si Sam Witwicky (Shia LaBeouf) sa kolehiyo, kaya’t iiwan niya ang kanyang mga magulang (Kevin Dunn at Julie White) pati na ang kanyang guardian robot na si Bumblebee na nakatira sa kanilang garahe.

Mahihiwalay rin siya sa kanyang magandang mechanic girlfriend na si Mikaela Banes (Megan Fox).

Nang ilabas ni Sam ang kanyang lumang jacket ay nahulog mula rito ang isang maliit na piraso ng metal Allspark, na mabilis na natunugan ng masasamang robots na Decepticons.

Kasisimula lang ni Sam sa klase ay nagulo agad ang eskuwelahan nang salakayin siya ng isang kalabang robot na nagpanggap na magandang estudyante.

Ginugulo rin si Sam ng misteryosong code na nagpa-flash sa kanyang utak, na siya palang susi sa ancient source ng energon na nagbibigay-buhay sa lahat ng Transformers.

Habang ang lider ng Decepticons na si Megatron (boses ni Hugo Weaving) ay nakahimlay sa ilalim ng karagatan, ang pinuno ng mababait na robot o Autobots na si Optimus Prime (boses ni Peter Cullen) ay katuwang ng human elite soldiers at iba pang Autobots sa pagtugis sa mga natitirang Decepticons sa iba’t ibang lupalop ng mundo.

Wala silang kaalam-alam na sa planetang Cybertron, isang makapangyarihang evil robot at Decepticon elder na kung tawagin ay The Fallen ang nagpaplanong sakupin ang daigdig sa tulong ni Megatron.

***

Mataas ang expectation namin sa Revenge of the Fallen dahil na-enjoy namin nang husto ang naunang Transformers movie.

Type namin ‘yung eksena ritong sinedyus-sedyus ng magandang estudyanteng si Alice (Isabel Lucas) si Sam sa kuwarto nito at muntik nang reypin, ‘yun pala ay isang pangit at mabangis na Decepticon ang hitad.  

Bongga rin ‘yung maaksyong pakikipagbuno sa gubat ni Optimus Prime laban sa tatlong Decepticons na humahabol kay Sam, at cute ‘yung morphing scene hindi lang ng mga sasakyan kundi pati ng mga home appliance at maliliit na silver balls na nagiging robot.   

Ang lakas pa rin ng charm ng bidang si Shia LaBeouf, kaya lang ay mas konti ang maaaksyong eksena niya rito gayong ang mga eksena niya ang mas inaabangan namin.

Nabawasan din ang exposure ng NEST officers na sina Captain Lennox (Josh Duhamel) at Sargeant Epps (Tyrese Gibson) samantalang markado at importante ang role nila sa original.

Si Megan Fox na gumaganap bilang hot girlfriend ni Shia ay parang hindi na natural ang sexy projection sa screen at nagmumukha na siyang trying hard na sexy starlet.

***

Mas maraming exotic locations na ginamit sa Revenge of the Fallen tulad ng Shanghai, Paris, New York, Washington, at Egyptian desert (kung saan naganap ang bombastic climax), pero kulang na kulang ito sa ‘wow factor’ kung ikukumpara sa naunang pelikula.

Akala namin ay mapapahiyaw ulit kami at mapapapalakpak sa mga kagila-gilalas na eksena rito (kagaya noon sa una, na para kaming batang paslit sa sobrang tuwa), pero natapos ang pelikula na hindi nangyari ang inaasahan namin.

Dahil ang macho director na si Michael Bay ang nagdirek nito ay nandu’n pa rin ‘yung mga eksena ng sumasambulat at lumulubog na barko at aircraft carrier na mala-Pearl Harbor; nawasawak na siyudad, gusali at tulay na mala-Armageddon; at well-choreographed action scenes na mala-Bad Boys, pero parang pagtagal-tagal ay puro ingay na lang ang dating nito sa amin at wala ‘yung kakaibang thrill at excitement na hinahanap namin.

Um-OA rin rito si Michael Bay at parang gusto naming i-edit ang pelikula para mas maging tight ito at mabawasan ang mahabang running time (na 150 minutes).

Gayunpaman ay mas kapanood-panood pa rin ang Transformers: Revenge of the Fallen kumpara sa ibang summer movies (tulad ng isa pang giant-robot movie this year na Terminator: Salvation na kalait-lait) at tiyak na tatangkilikin pa rin ito lalo na ng avid Transformers fans!


 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES