SINASABI ngayon ni Katrina Halili na balik na sa normal ang takbo ng buhay niya dahil nagtatrabaho na siya.
Pagkatapos niyang mag-pictorial sa Rosalinda nu’ng Linggo, nagsimula na siyang mag-taping kinabukasan sa Taal, Batangas.
Natutuwa raw siya dahil mainit ang pag-welcome sa kanya ng mga kasamahan niya sa Rosalinda, lalo na sina Carla Abellana at Geoff Eigenmann.
Malaki ang pasasalamat ni Katrina sa mga katrabaho niya sa Rosalinda lalo na kay Direk Maryo J. de los Reyes dahil naramdaman daw niya ang proteksyong ibinibigay sa kanya sa taping.
Tingin nina Katrina at Carla, magiging close sila dahil nagkagaanan na sila ng loob.
Niyaya na ni Katrina si Carla sa bahay nila dahil gusto niyang ipakita ang ipinagawa niyang spa sa bahay na kumpleto ng mga gamit na pampaganda ng katawan, pampakinis ng balat at kung anu-ano pang kaartehan sa katawan.
Ipinagmamalaki ni Katrina ang ginawa niyang parang maliit na spa sa bahay niya. Madalas na niyayaya niya ang mga kaibigan niya roon para magpa-treat sa mukha, at pampa-firm ng katawan.
Natutuwa si Carla dahil parang kaibigan na raw ang trato sa kanya ni Katrina. Inaasahan niyang magkakaroon ng intrigahan dahil bahagi iyun ng showbiz, pero tinitiyak niyang hindi sila magpapaapekto ni Katrina.
Napuno ang kalye sa isang lumang bahay sa Taal dahil gusto nilang makita si Katrina.
Parang wala naman at hinarap ni Katrina ang mga taong nag-aabang sa kanya at gustong magpalitrato.
Sa trabaho na raw siya ngayon nakatutok pero hindi raw niya pababayaan ang mga isinampa niyang kaso laban kay Dr. Hayden Kho at sa iba pa.
Bahala na raw ang korte rito at nandiyan daw ang mga abugado niyang nag-aasikaso nito.
***
Parehong nilinaw nina Marian Rivera at Katrina ang isyung pagkasali sana ng huli sa Darna bilang Valentina.
Sa presscon ng YES magazine’s 100 Most Beautiful issue kamakalawa ay muling pinabulaanan ni Marian ang napabalitang tinanggihan niya si Katrina para gumanap na Valentina.
Wala raw siya ganu’ng power para pakialaman ang casting ng mga project na ibinibigay sa kanya ng GMA 7.
Sey ni Katrina, unang inialok sa kanya itong Valentina sa Darna at tinanggap niya ito. Pero napag-isipan niya bandang huli na parang huwag na munang gawin iyun dahil sobrang bad daw ang karakter nitong Valentina at hindi pa nababagay na gawin niya iyun dahil sa isyu at kasong hinaharap niya ngayon.
Mas okay raw itong Fedra na role sa Rosalinda dahil medyo tame daw ang pagkakontrabida at gustung-gusto rin niyang gampanan ito.
Nagpapasalamat si Katrina kay Marian dahil sa pakikipagsimpatiya sa kanya sa sex video issue.
Wala raw kinakampihan si Marian kina Hayden at Katrina na pareho niyang nakatrabaho sa Marimar, pero kay Katrina ang simpatiya niya dahil babae rin siya at ayaw niyang mangyari ito sa kanya.
***
Tatlong linggo nang nagti-taping ang Rosalinda at tila nahuhulog na ang loob ni Geoff kay Carla.
Single si Geoff, ewan ko lang si Carla. (EDITOR’S NOTE: May boyfriend si Carla, di ba?)
Hindi raw imposibleng ma-develop si Geoff kay Carla dahil mabait ito at napakaganda, pero sa ngayon ay gusto muna nilang mag-focus sa trabaho.
“As of now, we’re just friends. Focus muna kami pareho. We both want this to work out dahil focus muna kami sa trabaho. But if there’s something that grows out of that, well, bahala na,” pahayag ni Geoff.
“Doon din naman siguro ang deretso nu’n, pero sa ngayon nag-e-enjoy lang kami sa work,” sagot ni Carla.
Sinabi namin kay Carla na walang ibang girl si Geoff na magseselos. Sa kanya kaya, merong ibang guy na magseselos?
“Wala naman po,” deretsong sagot ni Carla sa amin.