Magsilbing babala sana sa mga estudyante ito upang mag-ingat at maalerto naman ang mga awtoridad para lalong pagbutihin ang police visibility sa mga lugar na malapit sa eskwelahan.
Nadakip at nakakulong ngayon sa Manila Police District-Station 3 ang suspek na nakilalang si Saheidin Otto, 24, may-asawa ngunit walang trabaho at taga-No. 1130 Pasaje del Carmen St., Quiapo, Maynila matapos ipahuli habang tumatakas ng dalawang estudyante na kanyang nabiktima kamakalawa ng gabi sa Quiapo.
Inireklamo ang suspek ng mga biktimang sina Arjay Lola, ng Binondo at John Mark Lascano, Tondo. Parehong 18-anyos ang mga biktima at kapwa nag-aaral sa STI Computer College.
May dalawa pang kasabwat ang suspek na si Otto pero mabilis na nakatakas ang mga ito matapos ang insidente.
Ayon kay Supt. Ernesto Tendero Jr., commander ng MPD-Station 3, bandang alas-siyete ng gabi nang mangyari ang insidente sa kanto ng Claro M. Recto Avenue at Caromina St. sa Quiapo.
Kalalabas lamang ng mga biktima mula sa kanilang eskwelahan nang biglang lapitan ng tatlong suspek. Nagkunwari umano ang mga suspek na may kapatid na babae si Otto at binastos ng dalawang biktima kaya nagsumbong sa kanila.
Itinanggi naman ng mga biktima ang bintang sa kanila ng mga suspek ngunit hiniling ng mga ito na sumama sila para personal na humingi ng dispensa sa kapatid ni Otto.
Sumama naman ang mga biktima ngunit pagdating sa kanto ng Claro M. Recto Avenue at Caromina St. ay biglang naglabas ng patalim ang mga suspek at kinuha ang cellphone ng dalawang estudyante saka mabilis na tumakas.
Tiyempo naman na may dumaan na mobile car ng pulisya malapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente kaya’t agad nagsumbong ang dalawang biktima na nagresulta sa pagkakadakip kay Otto.
Nabawi kay Otto ang mga cellphone ng dalawang estudyante at nakumpiska rin ang kanyang balisong na ginamit sa panghoholdap.
Nahaharap ngayon si Otto sa mga kasong robbery-holdup at illegal possession of deadly weapon habang patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang dalawa pang suspek na tumakas.
|