|
Showbiz Gallery
|
ENTERTAINMENT
John Estrada, idolo ng kalalakihan More than a week nang una kong makita ang kontrobersyal na litrato nina Gretchen Barretto at John Estrada. Nagulat ako nang makita ko ang litrato. Ang unang pumasok sa isip ko ay lasing ang dalawa kaya nagawa nila ang kung ano man ang nasa isip ng iba. Ang malaking palaisipan sa akin ay kung bakit pumayag sina Gretchen at John na makunan ng camera, mapa-cellphone man o karaniwang kamera. Pag-aari pa raw ni John ang cellphone? So, parang may motibo. A certain Jay raw ang kumuha ng litrato. Ang isa pang katanungan, paano kumalat ang litrato kung pag-aari ni John ang ginamit na kamera? Sa pakikipagtsika ko sa mga tao ay may mga lalaking iniidolo si John dahil hindi raw ito natakot na isang higante sa alta sociedad ang kanyang binangga sa katauhan ni Tonyboy Cojuangco. Nakapanghihinayang naman kung dahil lang sa insidenteng ito ay masira ang relasyong Gretchen-Tonyboy. Nasa magandang estado na si Gretchen at ayos na rin ang relasyon niya sa ina ni Tonyboy na matagal bago siya natanggap. Handa naman daw si Gretchen kung ano ang kahihinatnan ng ginawa nila ni John na pinagsisihan niya nang husto. In due time ay magsasalita si Gretchen tungkol sa intrigang ito. *** Hindi pa man natatapos ang mga intrigang kinakaharap ni Ruffa Gutierrez ay may bago na namang ‘bomba,’ ito ngang halikan nina Gretchen at John. Maswerte si Dennis Trillo at natabunan na ang isyung buntis ang girlfriend niyang si Carlene Aguilar. Sa kabilang dako ay nakatanggap kami ng magandang feedback sa pelikula nina Regine Velasquez at Piolo Pascual. Jampacked daw ang Metreon Theatre (nasa downtown San Francisco, CA), isa sa mga first run theaters ng Loews Theatre Chain. First time daw ng nasabing sinehan na magpalabas ng isang pelikulang Pilipino. Ang Loews din ang may-ari ng mga IMAX Theatres. Maraming fans na nanggaling sa iba’t ibang parte ng Amerika ang hindi nakapasok sa sinehan. Bumili na lang sila ng tiket para sa screening kinabukasan. Sa Cerritos Edward Theatre naman sa Los Angeles, CA ay may apat na screening bawa’t araw ang pelikula. *** Nagpaalam si Janno Gibbs sa kanyang manager na si Ms. Malou Choa-Fagar para lisanin pansamantala ang programang Eat Bulaga dahil sa conflict sa sked niya sa Lupin kung saan may mahalagang papel siyang ginagampanan. May mga intriga kasing isa siya sa mga tinanggal na host sa longest running noontime show. Sa pakikipagtsikahan namin kay Janno sa set ng Lupin noong Biyernes nang gabi, napaka-unfair naman daw sa iba na lagi siyang dumadating na late at minsan ay absent pa sa Eat Bulaga. Ngayong halos araw-araw na yata ang taping ng Lupin, lalong hindi makakasipot si Janno sa Eat Bulaga. Tutal, may Nuts Entertainment pa siya plus ang SOP every Sunday. Balita rin namin na kasali si Janno sa Celebrity Duet, isang programa na malapit nang simulan sa GMA 7. Mukhang okay na rin ang pagsasama nina Janno at Bing Loyzaga. Aminado ang singer/actor na hindi pa 100% ang reconciliation nilang mag-asawa pero doon na ito patungo. Ibinubuhos na lang ni Janno ang mga libreng panahon niya sa kanyang pamilya. Malalaki na ang mga anak ni Janno at kade-debut lamang ng panganay niya. *** Naawa si Janno sa sinapit ng kaibigang si Ogie Alcasid sa Canada. Nabalita na hindi nabayaran sina Ogie at Ai Ai de las Alas ng producer ng show nila roon. Naranasan na ni Janno ang masuba sa Europe, specifically sa Italy. Bigla na lang nawala ang mga producer pagkatapos ng show. Isang leksyon ito sa mga artista natin lalo na kung hindi kilala ang producer. Bago umalis ng Pilipinas, dapat ay fully paid na sila. Ang nagdala kina Ogie sa Canada ang dapat managot o magbayad sa nawalang kinita nila. I am sure, may kontrata sila sa nagdala sa kanila roon. Oh, well. Nandun naman ang manager ni Ogie na si Leo Dominguez. *** Namatay ang tiyahin kong si CRECENCIA BARRAMEDA FRAGANTE. Her cremated remains ay pinaglalamayan sa Funeraria Paz sa Manila Memorial Park, at ilalagak bukas sa St. James Church sa Ayala Alabang. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|