|
Showbiz Gallery
|
ENTERTAINMENT
Ruffa, kinuryente ni Yilmaz Kahit nakauumay at nakahihilo na ang mga pahayag nina Ruffa Gutierrez at Yilmaz Bektas ay nakatutok pa rin dito ang showbiz dahil sa mga panibagong rebelasyon ng mag-asawa nu’ng Sabado sa Startalk.
Sari-sari ang reaksyon sa mga panibagong pasabog ni Ruffa. Sa isiniwalat niyang ‘15-hour torture’ umano na naranasan niya sa mga kamay ni Yilmaz ay may mga nagkomento na mabuti raw at buhay pa ngayon ang actress-TV host. Naawa kami sa kuwento ni Ruffa na sinipa-sipa siya, binugbog, pinutol ang buhok niya, ginamitan siya ng belt at ikinulong sa cabinet ng kanyang Turkong asawa. Tinutukan pa raw siya nito ng baril at duguan siyang umalis ng bahay nila sa Istanbul. Dagdag pa ni Ruffa, umuwi siya rito sa ‘Pinas nu’ng Pebrero na may blackeye at puno ng marka ang kanyang legs. May mga nabagbag sa kuwento ni Ruffa pero meron ding mga hindi naniniwala at may pagdududa. Ang alam daw kasi nila ay dumating dito si Ruffa nu’ng Pebrero na maganda pa rin at maayos ang buhok (hindi putul-putol o kalbo). Reaksyon pa ng iba, si Ruffa na raw yata ang pinakamaganda, pinakamakinis at pinakaglamorosang battered wife. Kung dumating daw kasi ito rito na may blackeye at may mga galos sa katawan ay siguradong napabalita na ‘yon noon pa. Meron daw bang mga katibayan na magpapatunay ng physical abuse na ‘yon na sinasabi ni Ruffa? Ayon sa isang kakilala namin na malapit kay Ruffa, may mga pasa raw ito sa katawan at tipong black and blue nang bumalik sa bansa nu’ng Pebrero. Kaya lang, ganu’n na pala kagrabe ang ginagawa sa kanya ni Yilmaz ay inabot pa ng Mayo bago niya ito inilabas at hindi rin niya kaagad inamin na sinasaktan siya, kundi pa ‘nagtaray’ si Yilmaz sa Startalk. Sa kabilang banda, karaniwan ay ganu’n daw ang mga babaeng nakararanas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga asawa. Sa simula ay ‘in denial’ pa at ayaw sabihin ang totoo, pero kapag hindi na kaya ay sasabog din katulad ng kaso ni Ruffa. Grabe ‘yung linya ni Yimaz na, ‘I find you in the garbage and I put you back in the garbage!’ Para sa amin ay masyadong below-the-belt ang tiradang ‘yon dahil hindi naman pipitsuging babae na napulot lang kung saan si Ruffa. *** Dahil sa maaanghang na pahayag ni Yilmaz ay nabigyang linaw sa wakas ang matagal nang nakabiting tanong kung totoo bang nagpakasal si Ruffa sa isang Richard Daloia sa Las Vegas nu’ng 1999. Ayon kay Yilmaz ay ‘yun ang dahilan kaya pumunta kamakailan sa Amerika si Ruffa, para kunin daw ang dokumento ng kasal nila ni Daloia at hindi para mag-soul searching. Ang paliwanag ni Ruffa, kasama sa ‘crazy things’ at ‘mistakes’ na nagawa niya nu’ng kanyang kabataan ang pagpapakasal na ‘yon. Pero nilinaw niyang unang buwan pa lang ng relasyon nila ni Yilmaz nu’ng 2000 ay inamin na raw niya ito sa asawa. Taliwas ito sa pahayag ni Yilmaz na ngayon lang nito nalaman ang tungkol doon kaya ito nagpupuyos sa galit. Sa kuwento ni Ruffa kaya, aniya, siya sinaktan nang grabe ni Yilmaz nu’ng Pebrero ay dahil may nalaman ito tungkol sa kanya. Ano ‘yon? Hindi ba’t siya na rin ang may sabing wala siyang inilihim at alam ni Yilmaz ang buong kuwento ng buhay niya? Pero tila ‘yung ‘unang pagpapakasal’ na ‘yon ni Ruffa ang naging dahilan ng matinding alitan nila. *** Kahapon sa The Buzz ay halos inulit na lang ni Ruffa ang mga naibulalas niya sa Startalk at kaunti na lang ang kanyang mga idinagdag. Tinawag niyang bastos si Yilmaz sa sinabi nitong ‘good seller’ ang kanyang inang si Annabelle Rama. Nagti-text din daw ito ng grave threats, libelous at slanderous comments patungkol sa kanya, sa mommy niya at maging sa ama niyang si Eddie Gutierrez.
Pwede raw itong magbayad ng papatay kay Ruffa dito sa ‘Pinas kaya sabi ni Ruffa, kung anumang masamang mangyari sa kanya, walang ibang may kagagawan no’n kundi si Yilmaz. Bukod sa nauna niyang pahayag tungkol sa torture at pagtutok sa kanya ng baril ni Yilmaz, idinagdag niyang naranasan niya ring kuryentehin ni Yilmaz sa bathtub na pinuno nito ng tubig. Tinusuk-tusok din daw nito ang katawan niya ng kutsilyo at nu’ng minsang mahuli niyang may kausap itong babae sa internet ay ito pa ang galit at siya pa ang sinaktan nito. Sa kanyang in-laws daw siya tumatakbo roon kapag nag-aaway sila ni Yilmaz at kampi sa kanya ang mga ito. Takot siyang magsumbong sa pulis dahil makapangyarihan aniya ang pamilya Bektas sa Turkey. Naikuwento rin ni Ruffa na nu’ng minsang magpunta sa mall ang mga anak nilang sina Lorin at Venice para mag-shopping ay nagkabarilan sa loob ng kotse na sinasakyan ng mga bata at itinago ng mga yaya nila ang mga ito sa ilalim ng upuan. Pag-uwi raw ng mga ito sa bahay ay naglalakad na lang. Doon daw niya napagtanto na hindi ligtas ang mga anak niya roon. Sa isyu ng pagpapakasal niya sa isang Richard Daloia, inamin ni Ruffa na naging nobyo niya ito noon at ito ‘yung lalakeng tinatawag noon ng mommy niya na PG (as in patay-gutom). Aniya, 23 y/o siya at 21 y/o si Daloia nang ikasal sila sa Las Vegas nu’ng 1999. 29 y/o lang daw ito ngayon kaya nilinaw niyang hindi si Daloia ‘yung nasa picture na inilabas kahapon ng Inquirer (na ayon sa report ay 43-anyos at taga-Rochester, New York). Nagtaray si Ruffa at sinabing hindi siya pumapatol sa matatanda at lahat ng naging nobyo niya ay bata at guwapo. Private person, aniya, si Daloia kaya ayaw niya itong pag-usapan, pero proud siyang pinakasalan siya ng dating nobyo at hindi siya binuntis nito. Nag-file daw siya ng divorce sa Amerika nu’ng 2000 bago niya nakilala si Yilmaz pero dahil wala raw siyang abogado at hindi na ito na-follow-up ay walang nangyari. Inamin niyang totoong nagpunta siya roon kamakailan para i-follow-up ang nasabing divorce pero hindi raw ‘yun ang tunay na dahilan ng paghihiwalay nila kundi ang pananakit sa kanya ng asawa. "I’m glad na hindi kami kasal because I’m free and I’m single!" masayang bulalas ni Ruffa. Kinontra niya ang sinabi ni Yilmaz na walang winners at losers sa ‘game’ na ‘yon. Ani Ruffa, siya at ang kanyang mga anak ang panalo dahil siya ang biktima at Yilmaz ang talo! |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|