|
|
PUBLIC
SERVICE
Nursing examinees, puno ng pag-asa Sa pagsisimula ng dalawang araw na eksaminasyon kahapon para sa mga nagnanais na maging registered nurses ay pinasyalan ng Usapang OFW ang isa sa maraming testing centers, ang Manuel L. Quezon University (MLQU) sa Maynila. Alas-4:30 pa lang ng madaling-araw ay nagdagsaan na sa gate sa labas ng Monson Hall ng MLQU ang mga mag-eeksamin, suot ang kanilang puting uniporme. Excited ang karamihan, bagama’t bakas sa mukha at tono ng pananalita nila ang matinding nerbiyos. Ayon kay Vangie, fresh nursing graduate ng UERM, kumpiyansa siya gayundin ang kanyang mga ka-batch, na sapat ang paghahandang ginawa sa kanila ng kanilang pamantasan para makapasa sila sa eksaminasyon. Drill Sa kanilang pre-examination stay-in drill sa Antipolo, sinabi ni Vangie na talagang sinumulate ng mga staff at professors ng kanilang paaralan ang kondisyon sa pag-eeksamin, pati na ang mga distraction na kanilang kakaharapin. "Nandiyang magti-text ng maingay at magpupukpok ang mga professor namin para idistract talaga kami," aniya. "Saka sa taas ng attrition rate o natatanggal sa aming kaklase kada semester, talagang salang-sala na ang mga gumagradweyt." Ngunit kung may pinapangamba ang marami, ito’y ang pagiging bago ng mga miyembro ng board of examiners, na maaring magresulta sa talagang pagkakaiba ng batch ng test questions ngayon kaysa sa mga nakaraang pagsusulit. Gayunman, nagkakaisa ang mga nakausap ng Usapan sa pagsasabing ang importante’y hindi na maulit ang test leakage scandal na nangyari sa June 2006 RN examination. Anomalya "Ang mahalaga’y hindi mabahiran ng anumang pagdududa ang resulta ng exam namin ngayon dahil ayaw na naming umulit pa sa pagkuha ng test sakaling makapasa kami," wika ni Rodel. Habang binabasa ninyo ito ay nasa ikalawang araw na ang pagsusulit ang mga nursing graduate natin. Sa pagkakataong ito ay umabot sa 78,000 ang nag-e-exam - halos doble ng 40,000 na nagtest noong Disyembre. Lumaki ang bilang dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay kumuha ng exam ang first batch ng graduates ng mga nursing school na nagsulputan sa buong bansa. Ngayon din nag-retake ang 2006 June examinees na ang pagpasa ay nalagay sa balag ng alanganin dahil sa test leakage scandal. Sa mga nakapanayam ng Usapan, ang karamihan ay umaasang makapag-a-abroad upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya. Binubusabos Hindi natin masisisi ang mga nurse natin kung nais man nilang mag-abroad. Ito’y dahil na rin sa pambubusabos sa kanila ng maraming ospital. Sobrang liit na po kasi ng pasweldo sa mga nurse natin ay sobrang haba naman ang kanilang working hours. Sa maniwala kayo o sa hindi ay may mga private hospital na nagpapasweldo pa ng mas mababa sa minimum wage. Sweldo ba naman ho ng nurse ang P6,500 kada buwan para sa 12-hour shift? Ngayon, magtataka pa ba kayo kung nais magsilayasan ng nurse natin sa Pilipinas? |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|