|
|
PUBLIC
SERVICE
Lalaki bad trip sa babae Dear Kuya Rom, Naging close po ako sa kasamahan ko sa trabaho. Magkaiba kami ng department kaya nagtatawagan kami gabi-gabi, umaabot kami kung minsan ng four hours sa pag-uusap sa telepono. Ito ang simula ng pagkakaroon ng damdamin namin para isa’t isa na wala noon. Minsan ay nag-date kami for the first time at nanood ng sine. Para sa akin, okay naman ang lahat. Pero nang tawagan ko siya, bigla siyang nagalit. Hindi na raw siya sigurado sa feelings niya sa akin. Mayroon pa rin daw siyang pagtingin sa akin, pero ayaw na niyang matuloy pa ang nabubuong relasyon namin. Tinanong ko kung ano ang dahilan. Sabi niya, para naman daw akong di-makabasag pinggan. Trinato ko raw siyang parang isang babasaging bagay na sobrang iningatan, at ayaw niya iyon. Maingat talaga ako sa minamahal kong babae. Masama ba iyon? Hindi na siya galit ngayon, at may date kaming naka-schedule. Puwede po bang sabihin ninyo sa akin kung ano ang gagawin ko para tuluyang mabuo ang aming relasyon? Thanks a lot and more power! -- Teddy
Dear Teddy, Ang maliwanag na naging isyu niya sa iyo ay ang sobrang pag-iingat mo sa kanya at ayaw niya iyon. Ang tingin niya sa mga ginagawa mo at kinikilos mo ay wala kang kumpiyansa sa sarili mo, natatakot ka. Maaaring hindi niya nagustuhan ang pagiging tahimik mo at pagiging speechless mo sa mga sandaling katabi mo siya. Siyempre, ayaw niya ito ‘pagkat kabaligtaran nito ang kadaldalan mo sa gabi-gabi at apat na oras na pag-uusap ninyo. Lumalabas na parang hindi ikaw iyong lalaking kilala at kausap niya sa telepono. Maaari rin na pagkatapos ng ilang oras na personal na pagsasama ninyo ay nagdadalawang-isip siya. Maaaring ang damdamin niya para sa iyo ay hindi pag-ibig kundi tulad ng pagtingin niya sa isang kapatid lamang. Kung magpapatuloy na maging close siya sa iyo, para ka niyang dinadaya at ayaw niyang mangyari ito ‘pagkat lalabas na pinaaasa ka sa wala. Higit sa lahat, ayaw niyang mangyari na ang buhay mo ay nakadepende sa kanya at ikaw ay maging emotionally dependent sa kanya. Ngayon, dahil hindi na siya galit sa iyo at nais niyang makipagkita sa iyo, ilagay mo ito sa iyong isip -- ang nais niya ay isang lalaking my self confidence at hindi matatakutin. Sa inyong susunod na date, ipakita mong ikaw ay may confidence, may sariling pag-iisip, marunong magdesisyon. Hayaan mo siyang magsalita, makinig ka lamang. Pagkatapos niyang magsalita, sabihin mo sa kanya na kaya ka hindi nagsasalita ay alam mong mas kailangan niya ngayon ang isang tagapakinig, baguhin mo ang usapan at maging madaldal ka. Pagkatapos ng date ninyo, ihatid mo siya sa bahay nila. Huwag mong sabihin na nasiyahan ka sa date ninyo. Huwag mo ring sasabihin na tatawagan mo siya. Hayaan mo siyang magtaka at maghintay sa iyo. Huwag kang tatawag sa kanya sa loob ng tatlong araw. Gawin mong abala ang sarili mo sa trabaho para sa sandaling pagtawag niya at itanong sa iyo kung bakit hindi ka tumatawag, may idadahilan ka at hindi ka lalabas na sinungaling. Tandaan mo, natural sa tao ang magnais sa isang bagay na wala sa kanya. Ang isang bagay na nakukuha sa madaling paraan at sa anumang oras ay itinuturing natin na hindi mahalaga. Hindi ko sinasabing ipagkait mo sa kanya ang oras mo at sarili mo. Ang sinasabi ko sa iyo ay bigyan mo siya ng pagkakataong mapagwari na kapag wala ka sa kanyang buhay ay makita niyang mahalaga ka sa kanya. Bigyan mo siya ng pagkakataon na pagsumikapan niyang mabuo ang inyong relasyon at hindi lang ikaw ang gumagawa ng lahat para maayos ito. Sa ganitong paraan makikita na parehas ninyong gustong magtagumpay ang inyong relasyon at pagmamahalan. God bless you! Payong kapatid, Kuya Rom |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|