|
|
OPINION
Maguindanao--only in da Pilipinas Nagkaroon ba ng eleksyon sa probinsya ng Maguindanao? Dapat bang magpatawag ng special elections doon? Tiyak na mainit ang baliktak-takan sa mga katanungang ito ngayong araw sa Comelec... sa pagitan ng mga abogado ni Koko Pimentel, Migz Zubiri, at ng Comelec na mismo. Mali kasi ang mga naunang lumutang na balita, na "magpapatawag" na dawn ng special election doon si Chairman Abalos. Ngayon araw pa lang magkakaroon ng "fact-finding" hearing. Napakarami kasing misteryong naganap sa Maguindanao noong Mayo 14, at sa sumunod na bilangan. Mayroon ding balitang "ginawa" na lang ang resulta ng botohan doon. Unang pinalabas ng mga Comelec officials sa Maguindanao, na sa karera para sa Senado... 12-0 ang resulta, pabor sa TU. "Statistically improbable", sigaw ng GO. Sang-ayon naman ang Comelec. Pero, naiproklama ang mga nanalo umano sa local elections doon, kasama si Rep. Simeon Datumanong. Kaya nga may katanungang... kung may failure of elections sa Maguindanao, bakit may naiproklamang mga "nanalo" umano sa local elections? Ang siste, ayaw naman ng mga Comelec officials doon na magbigay ng kopya ng certificate of canvass (COC) sa Namfrel, at sa dominant minority party (LP). Nang ipatawag ni Abalos ang mga opisyales na ‘yon, walang sumipot. Nang ipatawag ni Abalos ang mga opisyales na ‘yon, walang sumipot. Nang nagpadala si Abalos ng special board of canvassers sa Maguindanao, hindi natuloy ang panibagong canvassing, dahil hindi na makita ang mga COCs. Talaga namang "only in da Pilipinas". Pero maski ano ang kahinatnan ng hearing ngayon sa Comelec, may abiso na ang kampo ni Koko, na tuloy sa Supreme Court ang labanan. Kung hindi ako nagkakamali, ang mga resulta na lamang galing sa Surigao del Norte, Basilan, Biñan (Laguna), at Maguindanao ang hindi pa naka-canvass ng Comelec. Kulang-kulang 800,000 na boto pa ang bibilanganin buhat sa mga lugar na ito. At si Koko Pimentel ay lamang pa rin ay Zubiri ay 123,207. Kung tutuusin, mas close fight ‘yong kina Biazon at Robert Barbers nung 2004, kung saan nanalo lang si Biazon ng mahigit 6,000. (Tsismis: Lihim na natutuwa raw si Mar Roxas dahil hindi pa rin nalampasan ang kanyang record nang siya’y mag no. 1 noong 2001, kung saan umani siya ng 19.9 million votes - kumpara sa 17.9 million ni Loren). *** Hindi na raw magpapatawag ng special session ng Kongreso si GMA, nang dahil lamang sa 5 panukalang batas na hindi naipasa. Puwede na sana ito bago mag ika-30 ng Hunyo. Siguro alam niyang baka mapahiya lamang siya, dahil malabong makabuo na naman ng quorum, hindi lang sa House kundi pati sa Senado na rin. ‘Yong mga talunan sa House, tiyak na hindi na sisipot ang mga ‘yon. Isa pa, gaya nga nang naisulat ko, nagpulasan na ang karamihan sa mga mambabatas... talunan, baguhan, at mga re-elect. Baka mas may quorum pa sa US o sa Hong Kong. Saying na sayang kasi ‘yong 5 panukalang batas, lalo na ang Affordable Medicines Act, na nasa bingit na lang ng pagpapapirma kay GMA. Oo nga’t tiyak na bubuhayin ang mga batas na ito sa ika-14 na Kongreso, pero baka masaplutan na lang ng agiw. Binabase ko ito sa dalawang "kung"... kung magiging Speaker muli si Joe de V., at kung itutulak niyang muli ang ChaCha. Isipin n’yo na lang ang oras na kakainin na naman ng debate sa ChaCha, na baka pati ang budget para sa 2008 ay mabitin na naman. At dahil dominante na ang oposisyon sa Senado, susuntok na naman sa buwan si Joe de V.? |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|