|
|
OPINION
Salamat Garci Napakahirap marahil para sa isang magulang na pagmasdan ang kanyang mga anak na hindi nagkakasundo, nagbabangayan at nagsisiraan sa isa’t isa. Paano nga ba maaatim ng isang ama na halos magpatayan ang kanyang mga anak dahil sa kapangyarihan o kaya naman ay pera? Hindi malayong mag-isip ang pobreng tatay lalo na’t kung siya’y nasa takipsilim na ng kanyang buhay kung saan siya nagkamali sa pagpapalaki sa nag-aaway na supling. *** Hindi sikreto sa publiko lalong higit sa mga taga-San Juan ang alitan ng magkapatid na sina Mayor JV Ejercito at Senador Jinggoy Estrada. Lalong naging matingkad ang kanilang hindi pagkakasundo ng palabanan ni Jinggoy ang grupo ni JV sa nakalipas na halalan na napagwagian pa rin naman ng huli. Nagsusukal tiyak ang kalooban ni dating Pangulong Joseph Estrada dahil ang bayang kanyang pinaunlad ay pinag-aawayan ng kanyang dalawang anak na lalaki. Noong isang araw ay ikinasal si Mayor JV sa kanyang kasintahan na si Cindy Lotuaco. Humingi pa ng permiso sa korte si President Erap upang makadalo sa kasalan ngunit si Senador Jinggoy na malayang-malaya naman ay hindi sumipot sa pagtitipon kahit pa siya’y pinadalhan ng imbitasyon. Ang sabi tuloy ng kaibigan kong si Mang Domeng, parang nararamdaman niya kung paano pinipiga ang puso ng kanyang idolong si Erap sa pagbalewala ni Jinggoy sa importanteng araw na ito para kay JV. Oo nga’t sila’y magkapatid lamang sa ama. Hindi rin naman natin batid kung gaano kalalim ang pinagmulan ng sugat sa damdamin nina Jinggoy at JV. Minsang nabanggit ni Erap nang amin siyang puntahan sa Tanay, "Ano’ng klaseng lider naman ako kung ang mga anak ko lamang ay hindi ko mapagkakasundo?" Sinasadya ba ng dalawa na ipamukha sa kanilang ama na wala nga itong kuwentang lider? Ano pa kaya ang iniintay ng magkapatid na JV at Jinggoy, ang panahong hindi na sisikat ang araw sa kanilang Tatay? *** Ilang beses nang nabitin ang eleksyon para sa mga barangay officials sa kung anu-anong kadahilanan. Pinakahuli ay ang kakapusan ng pondo kaya’t imbes na noong nakaraang mga taon, itinakda ito sa Oktubre ng kasalukuyang taon. Noong Biyernes, humirit si Cebu Congressman Eduardo Gullas na sa 2008 na raw gawin ang barangay election dahil hindi raw kakayanin ng pamahalaan ang gumastos sa dalawang halalan na ilang buwan lamang ang pagitan. Nauunawaan natin ang pagka-praktikal ng mungkahi ni Congressman Gullas na siya rin namang naging rason kaya’t sa taong ito napadpad ang nabanggit na eleksyon mula sa orihinal nitong petsa na 2005.
Palakpak ang tenga ng mga barangay officials kapag nagkataon. Masaya rin naman ang mga constituents ng mga matitinong kapitan at kagawad. Ngunit dagdag na parusa naman sa mga mamamayang naka-tiyempo ng salbaheng barangay chairman. Kaya’t ang aking puntos, tuloy na ang halalan! *** Hindi maikakaila na nadagdagan sa halip na mabawasan ang bilang ng mga dagdag bawas operators sa katatapos na May 14 elections. Mas garapal nga kung tutuusin ang dayaan ngayon kung ikukumpara noong mga nakaraang eleksyon. Ang kaibahan nga lamang, mas maraming naging watchdogs. Pati mga mamamayan ay naging matalino. Natuto na sa masaklap na karanasan. Sigaw tuloy ng mga walanghiya, ‘ang hirap mandaya’! Dito natin naaalala si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano at ang pinasikat niyang Hello Ma’am sa kontrobersyal na Hello Garci scandal. Kung hindi kay Garci noong 2004, baka papatay-patay tayo at hindi nga imposibleng baka nanalo pati si Manong Oliver Lozano! Salamat sa iyo, Garci! (tunying016@yahoo.com |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|