|
'KISSING PHOTO' PAKANA NG KAMPO NI JOHN Palasyo, De Venecia atras sa ChaCha Ruffa, handang saklolohan ng Malacañang Gumagawa ng depektibong textbooks, parusahan-Ping
|
TOP
STORIES
Palasyo, De Venecia atras sa ChaCha (Rose Miranda/Boyet Jadulco) Umatras na sina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at House Speaker Jose de Venecia Jr. sa pagsusulong ng Charter Change (ChaCha) ngayong taon. Ito ang kinumpirma kahapon ni Presidential Adviser on Political Affairs Gabriel Claudio, isang araw matapos itong makipag-usap kay De Venecia sa nasabing bagay. Ayon kay Claudio, sa isang phone conversation ay nilinaw ni De Venecia sa kanya na wala itong balak na buhayin ang ChaCha ngayong taon at ang pagbanggit umano nito sa nasabing usapin sa kanyang valedictory address sa pagsasara ng 13th Congress noong Huwebes ay pagbabalik-tanaw lamang sa mga adhikain na nais sana ng kanyang liderato. Tiniyak ng palace official na walang plano ang Malacañang na buhayin ang isyu ng ChaCha katuwang ang Kamara at ang bagay na ito ay hindi napag-uusapan simula nang maibasura noong nakaraang taon ang panukalang Constitutent Assembly (ConAss). "I don’t believe there had been any discussion on ChaCha whether in Congress, in Malacañang, or between the two branches since the failed efforts to convene a constituent assembly last year. There’s no need to get excited about this issue. Its not on the radar screen, not on the political or legislative agenda of the government," ani Claudio. Dahil sa mga nabanggit na kadahilanan ay kumpiyansang tiniyak ni Claudio na hindi siya naniniwala sa mga insinuwasyon na muling bubuhayin ni De Venecia ang ChaCha. Samantala, tiniyak kagabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na hindi magtatagumpay ang isinusulong na ChaCha ni De Venecia dahil sa bistadong personal agenda nito. "Kaya hindi magte-take off iyan kasi may personal agenda sila," wika ni Pimentel sa panayam ng TONITE. Aniya, hindi na lingid sa lahat na ambisyon ni De Venecia na maging Prime Minister sa oras na makalipat sa parliamentary form of government ang kasalukuyang porma ng gobyerno ngayon. Bagama’t pabor si Pimentel sa ChaCha dahil ito lamang ang paraan para maisakatuparan ng pederalismo sa bansa, hindi naman nila masusuportahan ang inisyatibo ni De Venecia dahil hindi naman para sa bansa ang kanyang isinusulong kundi sa pansariling interes lamang. Nakapagdududa rin umano ang pagbuhay sa usapin ng ChaCha dahil mainit pa ngayon ang labanan sa Speakership ng Kamara. Nangangamba ang senador na kaya binuhay ang ChaCha ay upang magpa-impress lamang si De Venecia kay Pangulong Arroyo upang makuha ang suporta nito sa kanyang speakership. Kalaban ni De Venecia si Cebu Rep. Pablo Garcia na suportado ng mga miyembro ng Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi) na siyang partido ni Mrs. Arroyo. Noong nakaraang taon, sinubukan ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng people’s initiative subalit nasupalpal naman sila ng Korte Supreme. Kasunod nito ay itinulak naman ni De Venecia ang pagbuo ng Constituent Assembly (ConAss) subalit hindi naman nito nakuha ang 2/3 boto ng buong kapulungan upang maipasa ito. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|