|
|
EDITORIAL
'Wag balewalain dahil buhay ang nakasalalay Nalalagay sa peligro ang buhay ng libu-libong estudyanteng nangungupahan sa mga boarding house at dormitoryo sa university belt sa lungsod ng Maynila at karatig lungsod makaraang madiskubre ng Bureau of Fire Protection (BFP) na mangilan-ngilan lamang ang pumasa sa ipinatutupad na panuntunan kung kaligtasan pagdating ng sunog ang pag-uusapan. Sa kabuuan ayon sa pagsisiyasat, nasa tatlumpung porsiyentong dormitoryo at boarding house ang lumalabag sa safety rules ng BFP dahilan upang isyuhan ng ‘notice to correct violation’ ang mga violators.
Hindi simpleng pag-iisyu ng ‘notice to correct violation’ ang ipataw sa mga lumalabag na may-ari ng mga dormitoryo at boarding house dahil buhay ng mga estudyante ang nakasalalay dito. Ang hindi natin maintindihan sa BFP ay kung bakit tuwing pasukan lamang sila kumikilos bakit hindi itinaon ang pag-inspeksyon noong bakasyon nang sa gayun ay maagang napatawan ng parusa ang mga may-ari ng mga dormitoryo na walang pakialam sa kaligtasan ng kanilang mga boarders kumita lamang ng limpak-limpak na salapi. Dahil sa atrasadong pagkilos ng BFP, paniguradong mababaon lamang sa limot ang pagkastigong ito sa mga boarding houses at dormitory owners at kalaunan ay hahantong lamang sa aregluhan kaya ang mga kawawang estudyanteng boarders hindi makakatulog ng himbing dahil sa nakaambang panganib sa kanila. Kaya ang pinakamainam gawin ng mga magulang ay siguraduhing nasa ligtas na istraktura ang kanilang mga anak na mangungupahan sa u-belt. Di baleng magbayad ng mataas basta’t tiyak ang kanilang kaligtasan. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|