Hindi napigilan ng isang kinatawan ng telecommunications companies na ikumpara ang kanilang singil sa serbisyo sa text at phone calls sa sumisirit na presyo ng produktong petrolyo at singil sa kuryente sa pagharap ng mga ito sa National Telecommunications Commission (NTC) para pag-usapan ang pagkaltas sa singil sa text at tawag sa cellphone.
Ayon sa tagapagsalita ng Smart, ‘di hamak na mas mababa ang sinisingil ng mga telcos sa kanilang serbisyo kumpara sa mainit na debatehan ngayong sa pabulusok ng presyo ng langis gayundin sa sigalot sa singil sa kuryente.
Binigyan ng pitong araw na palugit ng NTC ang tatlong telecommunications companies (telcos) para maghain ng kanilang position papers kaugnay sa panukalang rollback sa singil sa short message services (SMS) sa mga subscribers.
Una nang nagpahayag ng pagtutol sa hirit ng NTC ang Smart Communication at ikinatwiran na ginagawa nila nang naaayon ang kanilang serbisyo. Habang ang Globe Telecommunications at Sun Cellular ay wala pang reaksyon sa proposal ng NTC, at hihintayin pa ang pinal na desisyon ng kanilang kumpanya.
Bukod dito sinabi ng kinatawan ng Globe na nagsasagawa sila ng internal discussion upang lubos na maunawaan ang panukala ng NTC.
Sa kabila ng pasaring ng mga telcos, iginiit NTC Commissioner Ruel Canobas na desidido sila sa kanilang pagnanais na pababain ang singil sa text at tawag sa cellphone. Nais ng NTC na ibaba sa P0.15 ang bayad sa text mula sa P0.35 o gagawing P0.60 kada text mula sa kasalukuyang singil na P1.
|