Hindi pinalagpas ng isang kongresista na pag-initan ang advertisement ng aktres na si Judy Ann Santos kung saan ipinagtanggol nito ang “system loss” na ipinapatong ng Manila Electric Company (Meralco) sa electric bill ng milyon nitong consumers.
Sa privilege speech, tinawag ni Manila Rep. Bienvenido Abante ang naturang advertisement na ginawa ni Santos para sa Meralco na isang malinaw na panlilinlang at kasingungalingan na layuning ikondisyon ang isipan ng mga consumers na ang naturang charges na kanilang ipinatong ay tama.
Sa naturang advertisement ay sinabi ng aktres ang mga katagang: “Ang systems loss ay parang bumili ka ng yelo, binayaran ng buo... pero pag-uwi may natunaw na. Ganyan din sa systems loss ng Meralco, ‘yan ang batas.”
Ayon kay Abante, napakalayong ikumpara ang systems loss mula sa natutunaw na yelo dahil ang systems loss ay ang mga nawawala o ninakaw na kuryente na ilegal at imoral na pinababayaran ng Meralco sa mga consumers.
Malaking katanungan sa kongresista kung naintindihan ng aktres ang sinabi nito sa komersyal. Aniya, maaring hindi nito naisip ang maaring kahinatnan ng kanyang ginawa.
Bilang reaksyon, sinabi ng manager ni Santos na si Alfie Lorenzo na hindi iniendorso ng aktres ang Meralco kundi ipinaliwanag lamang nito ang ilang isyung nakapaloob sa systems loss na hindi ganap na naiintindihan ng publiko.
“Pero syempre, binigyan siya (Judy Ann) ng script para basahin. Binasa lang n’ya ‘yun,” diin ni Lorenzo.
Idinagdag pa nito na walang ex-deal sa ginawang Meralco ads ni Santos dahil nagbabayad pa rin ito sa kanyang kunsumong kuryente.
|