Dahil sa kuwestiyonableng kredibilidad ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nababahala ang isang mambabatas na maraming “ghost beneficiaries” na makikisakay sa P2 bilyong lifeline subsidy ng gobyerno o ang limandaang piso na subsidiya para sa bayarin sa kuryente.
Ayon kay Nueva Ecija Rep. Edno Joson, kapag pera ang pag-uusapan, marami ang natutukso kaya hindi maiiwasan mangamba na kamkamin lamang ng ilang tiwali sa gobyerno ang nasabing halaga.
“Kapag pera ang usapan marami ang natutukso. Kapag hindi maayos ang sistema kung sino ang mga beneficiaries, baka marami ang ghost beneficiaries para lang maubos ang inilaang pondo. Magkakaroon ngayon ng ghost payment,” ani Joson.
Ginawa ng kongresista ang naturang pahayag dahil walang malinaw ng sistema kung papaano pipiliin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga bibigyan ng P500 subsidiya sa kuryente.
“At saka hindi dapat cash ang ibinigay, dapat talaga diyan voucher para masiguro na hindi gamitin sa sugal. Baka sa lotto lang mauwi iyan, sa tong-its, sa jueteng imbes na ibayad sa kuryente,” dagdag pa ng mambabatas.
Maging si Makati Mayor at United Opposition (UNO) president Jojo Binay ay nangangamba na isang oportunidad lamang ng korapsyon at maaaring matulad sa fertilizer scam ang subsidiya sa kuryente na ibibigay ng pamahalaan sa mga consumer na kumokunsumo lamang ng 100kwh kada buwan.
Ayon kay Binay masyadong maliit ang P500 subsidy ng Malacanang sa mga consumer at panandaliang solusyon lamang ito sa mas malaking problema.
“Hindi na naman natin alam kung mapupunta talaga ang pera doon sa mga karapat-dapat na tumanggap. Bakit hindi na lang kasi ibaba ang presyo ng gasoline at elektrisidad,” ani BInay. (Bernard Taguinod/Rey Marfil/Tina Mendoza)
Bagama’t suportado naman ni Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla ang naturang programa ng gobyerno, dismayado pa rin ito dahil one-shot lamang ito.
“Pagkatapos mong bigyan sila ng P500, ano ang mangyayari pagkatapos?,” pahayag ni Padilla sa panayam. “What our poor constituent needs is a long term program, not a one-shot program,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson, trabahong-albularyo lamang ang polisiya at formula ng Malacanang upang matulungan ang mga mahihirap sa pagtaas ng konsumo sa kuryente.
ANiya pa, sa halip na gamutin ang sakit, idinadaan na lamang sa ‘patapal-tapal’ ng dahon ang sugat gayong maraming ospital na pinangangasiwaan ng mga dalubhasang doktor na maaring pagdalhan ang isang maysakit.
“It’s just a populist solution dahil mataas ang kuryente bibigyan di permanent ang solution. Pang albularyo, nagtapal lang ng dahon ng bayabas. After that, anong mangyayari? Wala pa rin,” resbak ni Lacson sa Malacanang.
|